Sanggol sa Paris na ipinanganak sa tren, libre ang sakay hanggang mag-25-anyos

MAITUTURING na suwerte ang pagkapanganak ng isang sanggol na lalaki sa isang tren sa Paris matapos igarantiya ng kompanyang namamahala sa mga pampublikong sasakyan ng siyudad na makakasakay ang sanggol nang libre sa kanilang mga tren hanggang siya’y umabot ng 25-anyos.

Ipinanganak ang sanggol sa loob ng isang tren na binabagtas ang kalagitnaan ng Paris noong Lunes. Rumesponde naman ang mga rescue workers sa mag-ina, na agad dinala sa pinakamalapit na ospital.

Nagkaroon ng sandaling pagkaantala ng biyahe ng mga tren dahil sa panganganak, na inanunsyo pa sa mga pampublikong screens sa buong Paris na nag-aabiso ukol sa biyahe ng mga tren.

Ipinaabot naman ng kompanya ang kanilang pagbati sa nanganak bago ito nag-tweet na balik na muli sa normal ang biyahe ng kanilang mga tren.

Marami sa mga taga-Paris ang natuwa sa naging ligtas na panganganak ngunit marami rin ang nagkomento na nakadagdag lamang ito sa madalas na pagkaantala ng biyahe ng mga tren sa Paris dahil sa sunud-sunod na welga at iba pang mga insidente.

Show comments