HINDI hadlang ang malakas na ulan sa mga tauhan ni EPD director Chief Supt. Reynaldo Biay para magsagawa ng anti-drug operations noong Sabado at Linggo. Kung ang akala ng drug pu shers at users sa Pasig ay natutulog ang mga pulis, nagkamali sila, ani Biay. Puspusan ang kampanya vs droga ng Pasig City police at 29 katao ang nasakote. Ayon kay Sr. Supt. Orlando Yebra Jr., Pasig CIty police chief, pito katao ang nahuli sa pot session sa Viajeros market, 12 sa pag-iingat ng shabu, at 10 naman sa buy-bust operation. Ang mga naaresto ay hindi sa siyam na barangay na nauna nang nadeklarang drug free ng PDEA at LGU, ani Yebra. Get’s n’yo mga kosa? Hindi nangangahulugan na dahil sa dami ng huli nila ang ibig sabihin nito ay bumalik na ang shabu tiangge sa Pasig, ang dagdag pa ni Yebra. Sinabi naman ni Biay na kasalukuyan silang nakipagpulong sa school principals para maiwasang magamit ang mga estudyante na maging drug courier. Kaya nasa tamang landas ang kampanya ni Biay sa droga na dapat pansinin ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde at bigyan ng command na region, di ba mga kosa? Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan. Tumpak!
Dapat ding pansinin ni Albayalde ang paghihirap ng taga-Bataraza, Palawan dahil sa laganap na patayan na ang mga biktima ay kalaban sa pulitika ng isang pulitiko roon. Sumulat ang concerned citizen ng Bataraza kay Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., ng PNP counter-intelligence task force (CITF) para tulungan silang lutasin ang pagmamalabis ng pulitiko at pulis sa kanilang lugar na kung hindi maagapan ay marami pang inosenteng residente ang madadamay. Hanga kasi ang mga taga-Bataraza sa anti-drug operations ni Caramat sa Bulacan na napatahimik niya bago siya maging CITF commander. Inutil kasi si Mayor Abraham Ibba at si Chief Insp. Romerico Remo, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) para lutasin ang patayan at planting of evidence sa Bataraza, anang concerned citizen. Kaya ang panawagan ng taga-Bataraza ay i-relieve ni Albayalde si Remo para magkaroon ng bagong hepe ang PDEU at sa ganun ay mahabol ang mga tiwaling pulis na nagpapahirap sa kanila. Parang naging topic ko na si Remo sa illegal fishing ah? Hak hak hak! Bagyo talaga si Remo subalit uubra kaya siya sa programa ni Albayalde na habulin ang mga tiwaling pulis? Boom Panes!
Ayon sa mga taga-Bataraza, may mga private army o hitmen sa kanilang lugar at walang aksiyon si Mayor Ibba para maaresto ang mga ito. Ang mga hitman ay kinilala ng mga residente sa sulat na sina alyas Nagder, Haider, at Sadjael ng Bgy. Sarong. Ang ilan sa mga pinatay ng mga ito ay sina Kagawad Jun Valdez, Cortado ng Bgy. Marangas, Jamael ng Bgy. Bono-Bono, Biding Conding ng Bgy. Sarong, Esmang Asbano, Aslan Morga at ang iba ay hindi nila kilala. Parang killing fields na pala ang Bataraza, no mga kosa? Ang masama pa, kapag hindi ka mapatay ng mga hitmen, tiyak pa-plantingan ka ng armas o droga ng mga pulis na bataan ng pulitiko para sa karsel ang bagsak. Totoo kaya ito Mayor Ibba at Maj. Remo Sirs? Ang masama, Gen. Albayalde, bayad ang mga pulis ng pulitiko kaya mabaho na ang imahe ng PNP sa Bataraza. Hak hak hak! Taliwas sa panawagan ni Albayalde na maging magalang ang pulis sa publiko para bumango ang imahe ng PNP, di ba mga kosa?
Dapat ipasiyasat din ni Albayalde ang pagtanim ng mga pulis ng droga at granada sa bahay ni Ebrahim Narrazid Saipula, ang nanalong chairman ng Bgy. Sarong noong Hunyo 2. Mukhang kalaban sa pulitika ng isang pulitiko si Saipula kaya kumita na naman ang mga pulis. Get’s mo Gen. Albayalde Sir? Rebisahin mo rin Gen. Albayalde ang kaso ng isang alyas Ivy na ginahasa matapos tanggihan niya ang mahigpit na panunuyo sa kanya. Siyempre pa, pulis ang suspect, anang sulat. Hayun, tinaniman din ng droga para hindi magreklamo. Hak hak hak! Kailangan na talagang ikumpas ni Albayalde ang kamay na bakal niya sa Bataraza para matigil na ang kahibangan ng tandem ng pulitiko at mga pulis sa PDEU. Abangan!