EDITORYAL - Sector ng agrikultura, source ng trabaho

SA huling survey ng Social Weather Stations (SWS), mahigit 23 percent ang walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2018. At maaaring tumaas pa ito sapagkat madadagdag ang mga bagong graduates ngayong taon na ito. Mahigit 600,000 ang nagtapos ng kolehiyo ngayon. Saan ilalagay ang mga graduates na ito? Palulubhain pa ang kawalan ng trabaho dahil sa walang tigil na pagtaas ng pangunahing bilihin bunsod ng sunud-sunod na pagtataas ng petroleum products. May mga nagbabawas pang ilang kompanya ng trabahador para makatipid sa gastusin. Naghihigpit ng sinturon para makapagpatuloy ng operasyon ang kompanya.

Sa kasalukuyan, hindi pa maaasahan ang “build, build, build program” ng pamahalaan sapagkat hindi pa nagsisimula. Noong nakaraang taon pa sinabi ng Presidente na magluluwal daw nang maraming trabaho ang mga isasagawang proyekto pero hanggang ngayon, iilan pa lang ang nasisimulan.

Sinabi ni President Duterte na magkakaroon nang maraming trabaho kapag gumulong na ang mara­ming proyekto, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga probinsiya man. Maraming bansa umano ang nangako ng investments at kabilang sa mga ito ang China at Russia.

Pero kahit maraming gagawing inprastruktura sa bansa, kulang pa rin ito sapagkat daang libo ang walang trabaho. Hindi naman lahat ay maaaring isaksak sa konstruksiyon sapagkat kanya-kanya rin naman ng espesyalidad ng mga nag-graduate. Kaya hindi sasapat ang sinasabing pag-boom ng inprastruktura sa bansa.

Ang isa sa nararapat pagtuunan ng Duterte admi­nistration ay ang sektor ng agrikultura. Kung mapauunlad ang sektor na ito, nakatitiyak na magluluwal nang maraming trabaho. Nakalinya sa agrikultura ang pagkain kaya walang patid ang pangangailangan dito ng sambayanan. Pagkain ang numero unong kailangan ng tao kaya buhusan ng tulong ang sector ng agrikultura at magbubunga ito nang maraming trabaho. May trabaho na, marami pang pagkain. Hamon sa kakayahan ni Sec. Manny Piñol ang pagpapaunlad pa sa sector ng agrikultura para magluwal nang maraming trabaho na makakatulong sa problema ng unemployment.

Show comments