NANGANGAMBA ang mga magulang na hindi makapag-enrol ang kani-kanilang mga anak sa state universities at colleges (SUCs) at local universities at colleges (LUCs) dahil sa makupad na pag-release ng Commission on Higher Education (CHED) ng resulta ng kanilang extrance examinations. Pangalawang linggo na kasi ang pagbukas ng klase subalit hanggang kahapon wala pang abiso ang CHED kung kailan i-release ang resulta ng entrance exams nila kaya’t marami sa mga kabataan natin ang hindi pa nakapag-enrol. Ano kaya ang hinihintay ng CHED? Kung sabagay, hindi lang ang mga magulang ang nag-alala kundi maging ang mga anak nila dahil maraming colleges at universities ang nagsara na ng kanilang mga pinto sa K12 graduates. Eh kung bagsak sa entrance exams ng SUCs at LUCs ang mga estudyante, saan na sila dadamputin kung sarado na nga ang ibang eskuwelahan? May nakalaang solution ba ang CHED para hindi ma-delay ang pag-aaral nila? Hak hak hak! Baka magalit si President Digong sa CHED dahil alam n’yo naman mga kosa na may matandang kasabihan tayo na ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa mga kabataan natin, di ba mga kosa? E sa pagka-late ng resulta ng entrance exams sa SUCs at LUCs, maliwanag pa sa sikat ng araw na masisira ang kinabukasan ng kabataan at siyempre pa kasali ang bansa. Tumpak!
Libong K12 graduates sa buong bansa ang kumuha ng entrance exams sa SUCs at LUCs. Kaya naman hinihintay nila, pati magulang nila, ang resulta ng exams nila dahil dito sa SUC at LUC, aba libre ang tuition nila sa programa ni Digong. Ang ibig sabihin mga kosa, kapag nakapasa sila walang babayaran ang mga magulang nila kaya ang dapat gastusin para sa kolehiyo ay mapupunta sa ibang pangangailangan ng pamilya. Kaya kailangang maagang ilabas ng CHED ang resulta ng entrance exams para kung hindi naman makapasa ang K12 graduates ay puwede pa silang makapag-enrol sa ibang kolehiyo at college at hindi maantala ang pag-aaral nila. Kaso maraming college at universities na ang sarado na ang enrolment kaya saan mapupunta ang hindi pumasa sa exams? ‘Ika nga, nauubos na ang slots sa mga kursong gusto ng mga kabataan na kunin. At hindi lang ‘yan. Sayang din ang isang taon na hindi sila makapag-aral, di ba mga kosa? Hehehe! Maiiwan sa ere ang kinabukasan ng mga kabataan pati na ang bansa natin, ganun ba ‘yun mga kosa? Boom Panes!
Sa ganang akin naman, dapat mag-isip na din ang mga magulang ng alternatibong paraan para hindi masayang ang isang taon ng mga anak nila kapag hindi pumasa sa exams. Hindi ‘yung aasa lang sila na paspasan ng CHED ang pagpalabas ng resulta ng exams, di ba mga kosa? Hindi lang dapat maghintay ng resulta ng exams kundi payagan din ang kanilang mga anak na kumuha ng entrance exams sa ibang eskuwelahan. Kung sabagay, may private schools naman diyan na maganda rin ang track records, tulad ng STI at iba pa, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan, di ba mga kosa? ‘Wag nang iasa sa libreng tuition ng CHED, SUC at LUC ang kinabukasan ng inyong mga anak habang may paraan pang umiwas. May mga paraan pa kaya’t kilos na kayong mga magulang diyan, at magsadya na sa STI at iba pang eskuwelahan para hindi masayang ang isang taon ng inyong mga anak. Subalit sa ganang akin naman, dapat sigurong paimbestigahan na din ni Digong ang CHED dahil imbes na mapaligaya niya ang mga magulang at kabataan sa programa niyang libreng tuition eh yamot at inis ang idinulot nito sa kanila. Kung panay sibak ang ginagawa ni Digong sa mga corrupt na miyembro ng Gabinete niya, aba dapat may kaukulang kaparusahan din na ipataw sa likod ng delay ng resulta ng entrance exams ng SUC at LUC dahil sa ang mga mahihirap na pamilya ang tatamaan dito. Kaya nga umaasa sa libreng tuition, eh mapipilitan silang mag-enrol sa mga college at universities na mas mahal ang tuition at maapektuhan ang pang-araw-araw na gastusin nila sa kani-kanilang pamilya, di ba mga kosa? Kaya kayong taga-CHED talaga, hindi kayo nakakatulong sa programa ni Digong na free tuition kundi magiging pabigat pa sa mahihirap na pamilya. Abangan!