Eto na, malaking pagbabago na lalo ang mangyayari sa mga lansangan partikular sa Metro Manila dahil unang araw ngayon nang pagbubukas ng klase.
Ayon nga sa DepEd tinatayang aabot sa 27.7 milyong mga mag-aaral ang magbabalik eskwela.
Dito na malalaman kung gaano ang kahandaan na ipapatupad ng mga kinauukulan partikular ng mga awtoridad para mabigyang seguridad ang mga estudyante.
Sa Metro Manila lamang, aabot sa 5,000 mga pulis ang imomobilisa ng PNP para mabantayan ang mga mag-aaral habang sa mga lansangan naman nandyan ang may 100 MMDA traffc enforcers ang makakatuwang sa magmamantina sa trapiko.
“Camageddon” ang inaasahan ng MMDA na masusumpungan sa mga lansangan sa Metropolis sa araw na ito kaya nga magbaon na nang mahabang pasensya. Mainit na ang panahon kaya ingatang pati ulo ay agad-agad uminit na posibleng magresulta sa away sa kalsada.
Kung sabagay hindi na bago ang kalbaryo sa lansangan dahil kahit bakasyon, nandyan na yan at ngayon nga ay madadagdagan na lamang.
Mas mahalaga na ang mapagtuunang mabuti ay ang seguridad ng mga mag-aaral.
Kung gaano ang ginawang paghahanda ng mga magulang at kanilang mga anak sa pagbubukas ng klase, naku, sigurado naghanda ring mabuti ang mga kawatan na anumang oras ay pwedeng sumalakay.
Mas matinding police visibility ang dapat na maipatupad para mabigyang proteksyon ang mga estudyante sa pagsalakay ng mga kriminal.
May paalala nga ang PNP lalu na ang mga batang estudante na huwag nang magdala ng mga mamahaling gadgets na tiyak iyan ang tatargetin ng mga kawatan.
Sa ganitong mga panahon, inaasahan na rin ang pagtaas ng street crime tulad ng holdap, snatching at iba pang modus na ang target ay mga estudyante.
Sa labas yan ng mga paaralan, sa loob naman dapat ding nakahanda na ang mga pangasiwaan ng mga paaralan na mabigyang proteksyon din ang kanilang mga mag-aaral lalu na sa mga bully na nagsisiga-sigaan sa loob. Maging ang mga reruitment ng mga fraternity.
Malaki ang inaasahan ng mga magulang na sa muling paglabas ng bahay ng kanilang mga anak nandyan ang mga kinauukulan na makakatuwang sa pagbibigay seguridad at kaligtasan ng mga kanilang mga supling.