EDITORYAL - Putol na ang ‘red tape’
Nilagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte ang The Ease of Doing Business Act of 2018 (RA 11032). Ito ay naglalayong wakasan na ang bureaucratic red tape sa government institutions. Sa pagkakalagda ng batas, mapapabilis na ang mga transaksiyon sa gobyerno at maiiwasan na ang red tape o corruption sa mga tanggapan.
Sabi ni Duterte, magiging simple na ang requirements at procedures ng sinumang makikipag-transaksiyon sa alinmang tanggapan ng gobyerno. Hindi na rin aabutin ng siyam-siyam ang pagproseso ng mga papeles na para bang naghihintay ng “lagay” ang mga taong gobyerno. Sa ilalim ng batas, hindi na kailangang pumila nang pagkahaba-haba ang mga tao.
Mariing sinabi ng Presidente na kailangang ipro-seso ang mga simpleng transaksiyon sa loob ng tatlong araw at ang mga complex transactions ay pitong araw. Kapag masyadong technical ang transactions, 20 araw itong ipoproseso. Huwag nang pababalik-balikin pa o paghihintayin ang mga taong nakikipag-transact. Tatlong signatories lamang din ang kailangan sa mga aplikasyon sa lisensiya, clearances, certifications at authorizations. Ipatutupad din ang zero-contact policy sa ilalim ng batas.
Matagal nang inirereklamo ang mahabang pila sa mga ahensiya ng gobyerno lalo na ang mga nag-aaplay at nagre-renew ng lisensiya at mga business permit. Maski ang simpleng pagkuha ng driver’s license ay pumipila ang mga aplikante at kung sinu-sino pa ang pumipirma. Pati ang pagkuha ng building permit o pag-aayos ng mga titulo ng lupa ay pinahihirapan sa pagpila ang mga tao.
Sa pagkaka-implement ng RA 11032, inaasahang gagaan na ang pakikipagtransaksiyon sa government institutions at higit sa lahat mapuputol na ang red tape at mga katiwalian na nakasanayan na ng mga taong-gobyerno.
Ito ang matagal nang pangarap ng mamamayan, ang madaling maproseso o aaprubahan ang kanilang nilalakad na dokumento na walang naghihintay ng “lagay” para umusad. Sana, maipatupad ito nang maayos at hindi magningas-kugon. Nagsasawa na ang taumbayan sa praktis ng tanggapan na pabalik-balikin sila gayung maaari namang gawin sa maikling panahon.
- Latest