Batuhan ng baho

IBA talaga ang politika sa Nueva Ecija!

Hindi naman tayo kaila-ngan magtaka. Uso na naman kasi ngayong mga panahong ito ang batuhan ng baho sa ating mga politiko dahil may eleksiyon na naman next year.

Tulad na lang nitong nangyaring awayang ng mga Umali at Vergara, dalawang mala-higanteng political clan sa Nueva Ecija dahil sa isyu ng quarrying.

Nagpasabi si Nueva Ecija Governor Czarina ‘Cherry’ Umali, na handa siyang harapin ang kanilang mga katunggali kung sasampahan sila ng kaso sa bintang na sila ay kasabwat sa mga illegal quarrying operation sa kanilang province.

Nadawit din ang asawa ni Governor Cherry na si dating Governor Oyie Umali sa ginagawang imbestigasyon ngayon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel tungkol sa diumano’y illegal quarrying sa Nueva Ecija at Negros Occidental.

Lumalabas na ang imbestigasyon ay ginawa matapos maghain ng House Resolution 1505, sina Representatives Ria Vergara, Micaela Violago at Magnolia Antonino na mga kinatawan lahat ng Nueva Ecija, kasama ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves.

Alam ni Governor Umali na ang may kagagawan umano nito ay si Rep. Vergara na asawa ni Cabanatuan City Mayor Jay Vergara.

Ang banat ng mga Vergara, illegal daw ang mga quarrying doon at kailangan gawan ng tamang assessment ang quarrying fees collections sa kanilang probinsiya.

Eto na. Bakit daw silang mga Umali ang pinagdidiskitahan at pinag-iinitan gayong ang mga Vergara diumano ang kasabwat dito at ang Cabanatuan LGU’s umano mismo ang pasimuno sa mga ilegal na pangongolekta?

Naku ha!

Ano ba ito?

Bigla rin pumasok sa eksena si Cabanatuan Vice Mayor Emmanuel Antonio Umali, at nagsalita na ‘kung sino ‘yung may mga kasalanan, minsan sila iyong mas malakas pumutak.’

Tanong lang, ano kaya ang pakinabang ng madlang people sa awayang politika mga ito? Hindi na yata public service ang pinag-uusapan dito kundi away politika lang?

Itigil na nga yang mga bangayan kung seryoso ang mga Umali at Vergara hayaan nila ang imbestigasyon ay gawin sa probinsiya at hindi sa Kongreso. 

Bakit?

Sagot - kasi ‘in aid of election’ yata ito?

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kung may ebidensiya laban sa mga Umali ilabas nila para mapanagot ang mga ito pero kung wala naman, paano ang kasiraan nagawa sa kanila dahil lang sa away politika?

Ika nga, kawawa naman!

Abangan.

Show comments