LAHAT nang sumbong na inilalapit sa aming Action Center ay masusi kong pinag-aaralan at iniimbestigahan. Maliit man o malaking problema, handa akong makinig at maglaan ng oras para sa kanila. ‘Yung iba kailangan ng agarang aksyon at solusyon, habang may ilan naman na paglilinaw lang ang tanging paraan.
Gaya na lamang ng reklamong inilapit ng isang ginang sa aming tanggapan. Ang kaniyang inirereklamo, balae niya mismo. Kuwento niya, nagpaalam daw ang kanyang balae na hihiramin ang kanilang mga apo.
Dahil kapwa naman nila apo ang mga bata, pumayag siya na ipahiram ito. Lumipas ang isang buwan, di pa rin nakakabalik ang kanyang mga apo. Sa pag-aalala, pinuntahan niya ang bahay ng balae para kumustahin at makuha na ang mga bata.
Pero imbes na isoli sa kanya, nakipagmatigasan ang balae ni Aling Cynthia. Kung gusto raw niyang makuha ang mga bata, kailangan dumaan muna sa abogado at tamang proseso. Giit kasi ng balae niya, wala raw siyang kakayanan na buhayin ang mga bata dahil mahirap lang sila.
Dahil dito, agad na hinanap ni Aling Cynthia ang tanggapan ng Kilos Pronto. Gusto niya raw kasing malinawan kung may pag-asa pang maibalik sa kanyang poder ang mga apo.
Linawin lang natin mga boss, sa mga ganitong klase ng problema hindi maaring makisawsaw ang kahit sino pang media. Kahit kami sa BITAG at Kilos Pronto, walang karapatan na manghimasok dito. Sa mga ganitong pagkakataon, paglilinaw at payo lang ang maitutulong ko.
Ayon sa batas, ina ang may legal na karapatan sa pag-iingat at pag-aalaga sa kanilang mga anak sa oras na maghiwalay ang mag-asawa. Kung sakali naman na wala ang ina ng bata, ang mga magulang o kapatid nito ang dapat mag-aruga at mag-alaga rito. Maliban na lamang kung mapapatunayan na walang kakayanan ang mga ito o di kaya naman ay hindi mabuti ang lagay ng bata sa kamay ng kaniyang ina at pamilya nito. Tanging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) lamang ang may kakayanan at karapatang makapagsabi ng bagay na ito.
Kaya ang aking payo sa matanda, kausapin niya muna ng maayos ang kanyang balae. Kung hindi siya pakikinggan nito, mas mabuting sa DSWD na siya dumiretso dahil sila ang tamang ahensiya na lapitan tungkol sa kaniyang reklamo.
Hindi estilo ng BITAG tumulong para magbigay lang ng aksyon at maipakitang may ginagawa. Kung minsan, ang pinaka-mainam na solusyon sa bawat problema ay ibahagi ang katalinuhan sa iba. Empowerment kung tawagin sa salitang ingles. Mismong yung may problema ang matututo at yung mga nanonood, may mapupulot na aral sa reklamo.
Hindi ‘yung binubusog ang mga manunood sa kanilang gusto at ginagawang bobo ‘yung mga nagrereklamo. Habang yung host ng programa nagmumukhang muchacho at tanga!