EDITORYAL – Walang tigil na pagtaas ng gasolina

NGAYONG araw na ito, magtataas na naman ng presyo ang gasolina, diesel at kerosene. Naglalaro sa 50 sentimos ang dagdag sa gasolina at 30 sentimos sa diesel. Halos linggu-linggo na ang pagtataas ng fuel. Dahil daw ito sa paggalaw ng presyo ng langis sa world market. Malapit na raw umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis. Kapag umabot sa P80 bawat bariles, dapat nang mabahala ang pamahalaan.

Ang pagtaas ng presyo ng petroleum products ang dahilan kaya maraming pangunahing bilihin ang nagtaas ng kanilang presyo. Ang masaklap ang mga negosyante ay naging gahaman na at hindi na nila sinusunod ang suggested retail price ng mga produkto. Kaya ang utos ni President Duterte, arestuhin ang mga gahamang negosyante.

Ayon sa latest Pulse Asia survey, siyam sa 10 Pinoy ang apektado sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa loob ng nakalipas na tatlong buwan. Marami nang produkto ang tumaas sa kabila na may SRP na sinusunod mula sa Department of Trade and Industry. Nagsimulang tumaas ang mga pangunahing bilihin noong Enero. Kabilang sa mga pangunahing bilihin na tumaas ang presyo ay ang bigas, asukal, gatas, de-latang pagkain, gamot, singil sa kuryente at cell phone load.

Ang walang tigil na pagtaas ng petroleum products ay sumabay naman sa pagpapatupad ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Kaya may mga nagmumungkahing suspendihin ang TRAIN Law para raw gumaan ang pasanin ng mamamayan. Pero sabi ng mga nagsulong nito, masisira ang mga pinupondohang proyekto ng gobyerno. Isa sa mga pinag-aaralan ay ang pag-aalis ng excise taxes sa petroleum products. Sabi ng Malacañang, pinag-aaralan na ang mungkahing ito.

Kung ang pag-aalis sa tax sa petroleum products ang makakatulong para mapababa ang presyo, gawin ito. Hindi na dapat pang pahirapan ang mamamayan sa mataas na presyo ng bilihin. Lalo pang aaray ang mamamayan kapag humirit ng taas sa pamasahe ang mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney at bus. At lalong masisira ang bait ng mga magulang na nagbabadyet kapag tumaas ang singil sa tubig at kuryente. Idagdag pa ang papalapit na pasukan kung saan kailangang ibili ng uniporme, notebook, lapis at iba pang school supplies ang mga bata.

Kung maari, dagdagan ng suweldo ang mga manggagawa para makaagapay sa presyo ng mga bilihin.

Show comments