KUNG marumi ang Boracay Island na maihahalintulad sa poso-negro, marumi rin ang Manila Bay na inahalintulad naman sa isang toilet bowl na hindi naipa-flushed ang dumi. Imadyinin ang itsura ng toilet bowl na hindi naipa-flushed ang dumi at tiyak na mangingilabot ang makakakita.
Sabi ni Ramon Oposa, environmentalist lawyer at Ramon Magsaysay awardee, masyado nang mataas ang bacterial levels sa Manila Bay. Mula sa 1 million MPN/100 ml ng fecal coliform, ngayon ay 5 million MPN/100 ml na ito mula pa 1999. Ang fecal coliform ay iba’t ibang uri ng bacteria na matatagpuan sa dumi ng tao at hayop.
Humarap sa pagdinig ng Senado si Oposa kaugnay sa rehabilitasyon ng Manila Bay noong Lunes. Ipinatawag si Oposa ni Sen. Cynthia Villar, committee chair ng Senate environment and natural resources. Si Oposa ang nag-file ng kaso sa Supreme Court para sa agarang paglilinis ng Manila Bay noong 1999 na noon ang level lamang ng coliform ay 1 million. Ang coliform level para sabihing safe na paliguan ang Manila Bay ay 200 MPN/100 ml.
Mabagal ang ruling ng SC sapagkat inabot ng isang dekada bago nagawang utusan ang 13 government agencies na linisin ang Manila Bay. Nagkabisa ang utos noong Disyembre 2008. Kabilang sa mga inatasang maglilinis sa Manila Bay ang Department of Environment and Natural Resources, Metro Manila Development Autho-rity, Department of Interior and Local Government at iba. Pero hindi lahat ay tumalima sa kautusan.
Nabatid sa inquiry, na nabigo ang mga inatasang ahensiya ng pamahalaan na pigilan ang pagtatapon ng dumi sa Manila Bay. Napag-alaman na ang mga informal settlers o squatters sa Port of Manila ang nagtatapon ng dumi sa dagat. Ang mga dumi at basura nila ay deretso sa dagat. Ngayon, mas marami ang nagdudumi sapagkat kumapal ang squatters sa baybayin ng Manila Bay.
Toilet bowl ang Manila Bay na hindi naipa-flushed. Nararapat kumilos ang mga ahensiyang inatasan ng SC para linisin ang Manila Bay. I-relocate ang mga taong nakatira sa Port of Manila at iba pang baybayin. Sila ang nagpaparumi sa karagatan.