BUKAS magtatapos ang kampanya para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections. Tiyak na magiging busy na ang mga kandidato sa huling araw ng kampanya. May mga bagong gimik na ipapakita para matandaan ng mga botante. Ngayong araw, tiyak na magbabahay-bahay na para masiguro na makakakuha ng boto. Kailangang magpakilala para maambunan ng boto. Sa Lunes, magtutungo na sa mga presinto ang mga botante para husgahan ang mga kandidato sa barangay at SK.
Maging matalino sa pagboto. Kung sa nakaraan ay nagkamali dahil ang naibotong barangay officials ay walang nagawa sa komunidad, ngayong election ay pag-isipan at pag-aralang mabuti ang mga taong iluluklok sa puwesto. Magkaroon ng pag-aanalisa sa mga taong isusulat ang pangalang sa balota.
May naka-post sa Facebook na nagsasabing “ang dapat iboto sa barangay ay yung taong maaaring kapitan at hindi yung magiging kupitan.’’
May pagbibiro ang himig ng post na ito pero maaaring namnamin ang kahulugan. Sa panahon ngayon na namamayani ang korapsiyon sa maraming tanggapan ng pamahalaan, kabilang na ang barangay, mahalagang ang maiboto ay taong hindi magiging kawatan.
Piliin din ang taong hindi sangkot sa illegal na droga. Ang mamamayan ang kawawa kapag ang taong nailuklok ay may record ng illegal na droga. Huwag hayaang makalusot ang mga taong gumagamit at nagbebenta ng droga.
Mas maganda kung ang mismong kandidato ay nagpa-drug test para nakakasiguro ang mamamayan na ang iboboto ay malinis at walang bahid ng kontrobersiya sa illegal na droga.
Maganda ang isinagawa ng Quezon City Police Department (QCPD) na hinamong magpa-drug test ang mga kandidato para malaman kung sila ay hindi gumagamit ng droga. Kung walang itinatago bakit hindi magpa-drug test. Malaking puntos ang pagiging drug free para makakuha ng boto.