Komunidad sa Virginia, nagawang basahin ang buong bibliya sa loob lamang ng 76 oras
NAKAPAGTALA ng bagong world record para sa pinakamabilis na pagbabasa ng Bibliya ang komunidad ng Danville, Virginia nang matapos nilang basahin ang buong banal na aklat sa loob lang ng 76 oras.
Lumahok ang 75 na mag-aaral mula Westover Christian Academy, 35 na staff mula sa Roman Eagle facility, at 60 miyembro ng First Pentecostal Holiness Church sa pagbabasa ng buong Bibliya na inasahan nilang tatagal ng limang araw.
Nagsalitan ang tatlong grupo sa tuloy-tuloy na pagbabasa at matapos lamang ang 76 oras ay nagawa nilang tapusin ang kabuuan ng Bibliya.
Nagkataon pang sa mismong araw kung kailan ginugunita ang National Day of Prayer sa Amerika natapos ang kanilang pagbabasa.
Kinunan ng video ang ginawang pagbabasa ng mga taga-Danville at ipapadala nila ito sa Guinness World Records upang pormal nang makumpirma ang pagtatala nila ng bagong world record.
Higit na mas mabilis ang nagawa nilang pagbabasa kaysa sa dating world record na inabot ng 113 oras.
- Latest