MAY pagkamalalim na salitang Filipino ang hungkag. Puwedeng kakulangan. Kawalan ng laman. Kakulangan ng kahulugan. Walang saysay. May puwang. Katumbas ito sa Ingles na salitang Empty. Malimit din itong nagagamit sa paglalarawan ng takbo ng buhay ng isang tao. Iyon bang kahit sagana ka na sa materyal na bagay at maraming nagmamahal sa iyo, tila may hinahanap-hanap ka pa sa iyong buhay na hindi mo matiyak kung ano. Maaaring sikat na sikat ka at napakayaman at matagumpay sa pinasok mong karera o larangan pero may mga sandaling tila binabalot ka ng lungkot sa gitna ng masasayang kapaligiran at kasaganaan dahil, sa pakiramdam mo, may kulang pa sa iyong buhay.
Itong kahungkagan ang nasambit kamakailan ng isang sikat na singer na dahilan kaya hindi niya natapos ang isang kanta sa isa niyang konsiyerto at nag-walkout siya bagaman bumalik din agad siya sa entablado, humingi ng paumanhin at tinapos ang kanyang konsiyerto. Ayon sa producer, meron lang naalala ang singer sa inaawit niyang kanta kaya ito nag-breakdown. Sa palagay naman ng iba, mukhang napagod lang ang singer sa dami ng trabaho at kailangan lang nitong magpahinga.
Gayunman, hindi naman sa naturang singer lang iyon nangyayari. Nararamdaman din ito ng sino man sa atin sa gitna ng araw-araw nating mga gawain sa buhay. Kailangan nga lang maging matatag para maibsan ang negatibong emosyong ito. Batid naman ng marami sa atin na hindi mga material na bagay at kasikatan ang tunay na nakakapagpasaya sa buhay ng tao. Tandaan na may mga mahihirap na tao na nagiging masaya pa rin sa kanilang buhay kahit kapos sila sa pera. Sa mga relihiyon, itinuturo ang pagkakaroon ng buhay na espiritwal para mapunan ng isang tao ang anumang kahungkagang nararamdaman niya sa buhay. Nakakatulong din ang pagkalinga at pagmamahal sa pamilya at pakikipagkapwa at pagkakawanggawa. Nakakatulong din ang pagninilay, pag-iisa sa isang tahimik na lugar, pagdarasal at repleksyon sa buhay para matukoy kung ano ba ang kahungkagan na ito na tila kumakagat sa kanyang pagkatao.