EDITORYAL – Source ng trabaho ang agri sector

KAHAPON ipinagdiwang ang Labor Day. Pero gaya ng dati, naging araw ng protesta ang Araw ng Paggawa. Mas bagay sabihin na Araw ng Pagngawa ang nangyari kahapon. Kabi-kabila ang protesta. May tumutuligsa kay President Duterte sapagkat hindi nito tinupad ang pangako na wawakasan na ang “endo”. May pumupuna sa kawalan ng trabaho at mayroong umaaray sa taas ng presyo ng bilihin. Wakasan din daw ang nararanasang gutom ng mga mahihirap at isang kahig isang tuka. Hindi pa nasiyahan ang mga rallyist, sinunog pa nila ang effigy ni Duterte.

Marami pa rin ang walang trabaho sa kasalukuyan batay sa survey. Ayon sa SWS surbey, 23.9 percent ang walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2018. Kaya marami ang nagtataas ng kilay sa sinabi ni Duterte na umuwi na ang mga OFW sa Kuwait sapagkat may naghihintay na trabaho sa kanila. Maunlad na raw ang ekonomiya kaya marami nang trabaho. Ang paghikayat ni Duterte na pauwiin ang OFWs sa Kuwait ay dahil sa sigalot na nangyari makaraang i-rescue ng embassy officials ang minamaltratong domestic helpers doon.

Saan daw kukuha ng trabaho ang Presidente gayung marami nga ang walang trabaho sa bansa sa kasalukuyan. Nagbibiro raw ba si Duterte? Hindi kaya lalong malubog sa hirap at makadama ng gutom ang mga pinauuwing OFWs mula sa Kuwait?

Sinabi ng Presidente na magluluwal din nang maraming trabaho ang mga gagawing inprastruktura sa ilalim ng “build, build program” ng kanyang administrasyon. Maraming bansa ang nangako ng investments at isa na rito ang China.

Pero kahit maraming gagawaing inprastruktura sa bansa, kulang pa rin ito sapagkat marami ang walang trabaho. Hindi naman maaaring isaksak sa constructions ang mga walang trabaho. Kaya hindi sasapat ang sinasabing pag-boom ng inprastruktura sa bansa.

Ang isang dapat pagtuunan ng pansin ng admi­nistration ay ang agri sector. Kung mapapaunlad ang sector na ito, dito nakakatiyak na magluluwal nang sangkatutak na trabaho. Nakalinya sa agrikultura ang pagkain kaya walang patid ang pangangailangan dito. Pagkain ang kailangan ng tao kaya buhusan ng tulong ang sector ng agrikultura at tiyak na magbubunga ito nang maraming trabaho. Dito uunlad ang bansa.

Show comments