MINSAN, umatend ako ng birthday party sa ina ng isang kaibigan. Nang mag-alisan ang mga bisita ay saka pinagbubuksan ang mga regalo. Palibhasa ay close ako sa pamilya, nakipagkuwentuhan pa rin ako sa mga kapatid ng aking kaibigan habang nakikiusyoso ako sa mga regalong binubuksan.
Napasigaw ng—AY!—ang ina ng aking kaibigan habang binubuksan ang isang regalo. Kasi nang hugutin ng birthday celebrator ang Japanese doll na babasagin mula sa box, ang ulo nito ay humiwalay. Hinayang na hinayang ang matanda. Napakaganda pa naman ng doll na pandispley sa salas.
“Hindi ko kasi iningatan nang hilahin ko sa box,” paninisi ng matanda sa sarili.
Kinuha ng aking kaibigan ang doll. Parang tsinetsek kung paano napugot ang ulo. Nang may napansin ito.
“Ay, talagang sira na ang doll! Mamasa-masa pa ang glue. Minadali siguro ang pagdikit sa ulo, hindi muna hinintay na matuyo kaya natanggal din.”
Kung ganoon, alam ng nagregalo na sira ang doll. Pero bakit iniregalo pa rin? tanong ko.
Habang hawak-hawak ng matanda ang ipinambalot na ginamit sa doll, nagsalita ito:
“Hindi na ako magtataka, talagang masama ang ugali ng taong nagregalo nito. Kung may maganda siyang asal, mas pipiliin niyang wala siyang regalo kaysa magbigay ng basag na regalo,” sabay dampot sa doll at saka inihagis sa basurahan.