Pagkalipas ng limang taong pagtatago sa ibang bansa ay natunton at nadakip na rin si Nelson Antonio, isang negosyanteng pumatay ng sariling amang si Antonio P. Antonio o si APA.
Sa Dubai ito natunton makaraang isang Pinoy ang nagbigay ng impormasyon kay Drug Enforcement Group Chief Supt. Albert Ferro na dating may hawak ng kaso na doon nagtago ang suspect.
Patunay lang ito na walang matutulog o mababaon sa limot na kaso kung talagang ipupursige lalo na ng mga awtoridad ang pagtutok dito.
Malaking bagay din at nakakatulong sa paglutas ng kaso ang media sa paglathala ng mga larawan ng mga wanted sa batas, gayundin ng mga concerned citizen na nagbibigay ng mga impormasyon para sa ikalulutas ng isang krimen o kaso.
Katunayan nga sa ibang bansa pa natunton ang pinaghahanap na suspect.
Napanood ng isang impormante ang programa nating SOCO sa telebisyon ang tungkol sa kasong ito na doon ay ipinakita natin ang larawan ng nagtatagong suspect.
Sa Dubai naman nakita ng impormante ang wanted na si Nelson kaya ibinerepika kay Gen. Ferro kung saan nakumpirmang ito mismo ang suspect na may reward na P300K.
Kahapon ay naibalik na sa bansa si Nelson at ngayon araw ay nakatakda itong iharap sa media ng PNP.
Base sa rekord si Nelson ay sinasabing pangunahing suspect sa pagpaslang sa ama na si APA matapos umano siyang tanggalan ng mana ng huli.
Isa lang ang kasong ito sa halimbawa nang pagtutulungan ng pulisya, media at ng publiko para sa ikalulutas ng mga kaso.
Marami pang wanted sa batas ang nandyan lang sa tabi-tabi at hindi nadadakip.
Ito ang dapat ding matutukan ng mga awtoridad.
Dito naman kailangan ang tulong ng mga opisyal lalo na sa barangay sa mga taong bagong mukha sa kanilang lugar.
Dapat maging mapagmasid, dapat ay nagsasagawa rin sila ng profiling sa mga dayo sa kanilang lugar, baka kasi isa na yan sa mga pinaghahanap ng batas.
Hindi dapat na magbulag-bulagan at magbingi-bingihan, kailangan ding gumalaw at makipagtulungan para marami pang mga krimen ang malutas at hindi tuluyang mabaon sa limot dahil lamang sa ang ilan ay walang pakialam.
Aminado naman ang PNP na kailangan nila ang kooperasyon ng publiko para malutas ang maraming kaso at makamit ng mga biktima ng krimen ang hustisya.