EDITORYAL - Plastic pollution
PROBLEMA na ng buong mundo ang plastic pollution. Hindi lamang dito sa Pilipinas problema ang mga basurang plastic na lulutang-lutang sa dagat at mga estero. Sa paggunita ng Earth Day noong Linggo, nakapokus ang maraming bansa sa problema ng plastic pollution. Maraming bansa ang nagdeklara nang paglaban sa plastic pollution at isa ang Pilipinas dito. Panawagan na ipagbawal na ang paggamit ng plastic sapagkat sinisira ang kapaligiran.
Bawat baybaying dagat nang maraming bansa ay namumulaklak sa sari-saring plastic na bagay na itinapon ng mga iresponsableng mamamayan. Walang pakundangan ang pagtatapon ng mga plastic. Sa isang pag-aaral, tinatayang 437 million hanggang 8.3 billion plastics ang inaanod sa mga baybayin o coastline sa buong mundo. Sa baybaying dagat ng America, 7.5 million plastics ang nakakalat.
Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansang may pinakamalaking sources ng plastic pollution sa mundo. Nangunguna ang China at pumapangalawa ang Indonesia.
Sa pakikiisa ng Pilipinas sa paglaban sa plastic pollution, makabuluhan ang sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu sa kanyang State of the Environment Address. Sabi niya, tapos na ang araw ng mga nagbubulag-bulagan at gumagawa ng krimen laban sa Inang Kalikasan. Tutuldukan na aniya ang pag-abuso sa kalikasan. Mahigpit nang ipatutupad ang environmental laws, rules, regulations at ordinances.
Ngayong nananawagan na ang Pilipinas sa pagbabawal sa paggamit ng mga plastic, dapat magpakita ng halimbawa. Magkaroon nang kamay na bakal sa mga iresponsableng mamamayan na walang pakundangan kung magtapon ng plastic sa mga kanal at estero. Huwag nang patawarin ang mga sumasalaula at sumisira sa kapaligiran. Isang halimbawa ay ang pagdumi ng Boracay na naging dahilan kaya isinara ito kahapon na tatagal ng anim na buwan.
Labanan ang plastic pollution bago pa masira ang mundo. Tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng plastic.
- Latest