SA kagustuhang mapasigla ang kanilang sports fest, nagdagdag ang isang university sa China ng bagong palaro: ang paghahagis ng granada.
Wala kasing gustong lumahok sa mga tradisyunal na nilalaro sa track and field katulad ng paghahagis ng discus at javelin kaya naisipan ng pamunuan ng North University na gawing granada ang inihahagis ng mga sasali.
Hindi naman nagkamali ang nakaisip sa kakaibang ideya dahil nang kumalat ang balitang paghahagis ng granada ang isa sa magiging mga laro sa sport fest ay madami ang naengganyong sumali.
Hindi naman totoong granada ang ibinigay sa mga lumahok kundi mga replica lamang ng Type 23 na granadang karaniwang ginamit ng Germans noong World War 2. Hindi katulad ng mga granada ngayon, mayroon itong mahabang hawakan para mas madali itong ihagis.
Itinanggi naman ng unibersidad na isa lamang publicity stunt ang kanilang ginawang paligsahan sa paghahagis ng granada. Paraan din daw nila ito ng pagtanaw sa kasaysayan ng kanilang eskuwelahan na dating pagawaan ng armas ng People’s Liberation Army noong World War 2.