EDITORYAL - Mag-ingat sa mga iboboto

NATAPOS na kahapon ang pagpa-file ng candidacy ng mga tatakbo sa barangay elections. Extension na ang nangyaring filing kahapon ayon sa Commission on Elections (Comelec) para mapagbigyan ang mga nais humabol sa kandidatura. Gaganapin ang election sa Mayo 14. Sa isang linggo ay magsisimula na ang kampanya.

Ayon sa Comelec, maraming nag-file ng kandidatura – mahigit 600,000. Maaaring ang kaluwagan sa kuwalipikasyon kaya marami ang naghahangad na maging barangay official. Kailangan lang kasi ay marunong bumasa at sumulat ang kakandidato. Hindi na rin kailangan ang biodata o anuman pagkakakilanlan.

Sa aming palagay, masyadong maluwag ang pagtakbo ng mga kandidato na basta marunong sumulat at bumasa ay okey na. Dapat magkaroon ng pagbabago rito. Mas maganda kung nakatapos sa kolehiyo ang mga kakandidato sa election kasama ang mga tatakbo sa barangay. May natapos na degree na hindi lang basta marunong sumulat at bumasa. Kailangang gawing kuwalipikasyon ang pagkakaroon ng college degree. Isulong sana ito ng Department of Interior and Local Government (DILG)

Isa pang dapat ipatupad ay ang mandatory drug testing sa mga tatakbong kandidato, lalo ang mga tatakbo sa barangay elections. Sa dami ng mga sugapa o protector ng drug syndicate ngayon, hindi na nakakasiguro kung ang ihahalal ay sangkot sa illegal drugs. Mahalaga ang drug testing sapagkat dito pa lamang, malalaman na kung dapat ibasura ang kandidato. Mawawasak ang barangay kapag ang naiupo sa puwesto ay sangkot sa droga. Dapat ipaggiitan na ma-drug test ang mga kandidato.

Maski ang Deparment of Interior and Local Government (DILG) ay  nananawagan sa mamamayan na mag-ingat sa pagpili ng kandidato. Piliin ang mga kandidatong hindi sangkot sa droga. Sabi ng DILG, hindi lamang mabuting kandidato ang dapat iboto ng mamamayan kundi pati ang kandidatong marunong lumaban sa mga nagpapakalat ng droga. Kailangan daw ay kandidatong matapang na isiwalat ang mga sangkot sa droga.

Tumpak ang DILG na dapat mag-ingat ang mamamayan sa pagsusulat sa balota. Maging alerto at baka ang maisulat ay sangkot sa droga.

Show comments