(Unang bahagi)
SA buhay natin, hindi natin maiiwasang maranasang magkasugat. Bata pa lang tayo ay kung anu-anong klase na ng sugat ang nakuha natin, may mababaw, may malalim, may sugat na dala ng matutulis/matatalim na bagay. May mga sugat din na pinag-isipan natin kung kailangan pang dalhin sa doktor. Kailangan pa ba ng iinuming antibiotic? Kailangan pa ba ng injection sa tetano? Paano ba dapat gamutin ang mga sugat?
Ang pinakamabisang paaraan ng paggamot ng sugat
Dapat agapan ang anumang sugat sa katawan kaano man ito kababaw. Matapos masugatan, hugasan agad ito at sabunin. Iyon ay para mabawasan agad ang mikrobyong papasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat. Mababawasan ang panganib ng impeksyon kung gagamutin ito ng mga antiseptic gaya ng 70% alcohol, agua oxinada (hydrogen peroxide) at Povidone Iodine. Puwede ring pahiran ng topical antibiotic ointment ang sugat matapos itong malinis ng mga naturang antiseptic upang mapabilis ang paggaling. Maipapayo ring takpan ng gasa ang sugat upang mapanatili itong malinis. May pagkakataong kailangang samahan ng pag-inom ng antibiotiko upang mapabilis ang paghilom ng sugat.
Bakit mahalagang gamutin agad ang sugat?
Kung hindi agad gagamutin ang sugat, puwede itong maimpeksyon dahil mas maraming mikrobyo ang posibleng manahan dito. Remember, may break sa balat kapag nasusugatan tayo. Kapag nagnana pa ang sugat, bukod sa panganib sa kalusugan, mas nagiging matagal ang paghilom ng sugat. Nag-iiwan pa ito ng mga di kanais-nais na peklat sakaling gumaling ito. Kung sakali namang bumuka ang balat dahil sa malalim na hiwa o pumutok ang balat dahil sa aksidente, maiging tahiin agad ang sugat upang mapagdikit ang naghiwalay na balat.
May ginagamit namang local anesthesia upang wala tayong maramdaman kapag tinatahi ang sugat. Kung hindi tatahiin agad, mag-iiwan ito ng malalaking pilat sa balat. Huwag nang maghintay pa ng ilang araw bago magpasyang ipatahi sa ospital ang bumukang sugat.
Dapat sa loob ng ilang oras matapos ang putok o hiwa kung saan ay bumuka ang balat kasama na ang kilay dito, ito ay ipatahi agad. Kung hindi, agad pupunuan ng “granulation tissue” ang nalikhang puwang sa balat at ito ang magsisilbing peklat. Anumang pilat na naiwan sa inyong balat ay dulot ng “granulation tissue” na agad ay magpaparami sa lugar na nasugatan.
(Itutuloy)