Kailangan ba natin ang Facebook?

MARAMING maiinit na kontrobersiyal na isyung nag­lalabasan hinggil sa social media entity na Facebook. Tulad ng sinasabing paglapastangan sa privacy ng ilang milyong gumagamit nito. Pinakahuli iyong mga pagbatikos ng mga tagasuporta ng kasalukuyang administrasyon sa pagtatalaga ng Facebook bilang fact checker nito sa Rappler at Vera Files. May mga nag-uudyok sa kanila na layasan na ang Facebook at lumipat sa ibang social media platform pero mukhang hindi naman ito kinakagat nang marami.

Kaya maitatanong kung kailangan ba natin ang Facebook? Depende siguro. Milyun-milyong tao sa mundo ang nahumaling dito dahil sa maraming features nito lalo na nang mauso ang smartphone na kahit anong oras ay maaaring makapagbukas ng Facebook ang sino man.  Nagagamit din ito sa trabaho at negosyo at linya ng komunikasyon bukod sa pagiging isang uri ng libangan. Puwede ring imbakan ng files o litrato na nais mong maipreserba. Nagkakausap dito ang maraming tao sa mundo kahit libu-libong milya ang layo nila sa isa’t isa. Nagagamit din ito sa pananaliksik at pagkakawanggawa at maging sa pagbubunyag at paglutas sa mga krimen.

Pero dati naman nabubuhay tayo sa araw-araw noong panahong hindi pa naiimbento ang Facebook. Bago nga ito dumating ay meron na ring iba pang social media entity tulad ng Friendster. Magpapatuloy pa rin ang buhay kahit wala ito. Nagkataon lang na nauso ito, sumikat at nagkaroon ng tinatawag na bandwagon na kahit sinong may computer at smartphone ay matutuksong magbukas ng account dito. Marami ang nahuhumaling na kahit disoras ng gabi ay nagtse-check sa kanilang account. May mga kaibigan at kaanak na nagkalayo na muling nagkakaugnayan dahil dito. Nagkita-kitang muli ang mga dating magkaeskuwela halimbawa  at may mga nabubuo ditong mga relasyon o pag-iibigan.

Dadating din ang panahon na malalaos ang Facebook lalo na kung may susulpot na iba pang nakakahigit pa rito na social media entity. Dapat lang magpakahinahon, maging maingat at alalay lang sa paggamit nito. Sabi nga, ang anumang sobra ay nakakasama sa kalusugan.

 

Show comments