NAWALA si Gambhir Singh na parang bula mula sa kanyang tahanan sa Imphal, Manipur sa India noong 1978 at simula noon ay hindi na siya muling nakita ng kanyang pamilya.
Ito’y hanggang mamataan siya ng kanyang pamilya sa website na YouTube, kung saan tampok si Singh ng isang serye ng mga video na kuha ng photographer na si Firoze Shakir.
Madalas idokumento ni Shakir ang pang araw-araw na buhay ng mga pangkaraniwang Indian at ang isa sa madalas niyang itampok sa kanyang mga litrato at videos ay ang 65 anyos na ngayong si Singh na madalas magpalabuy-laboy sa isa sa mga pamilihan sa Mumbai.
Madalas ay binibigyan ni Shakir ng pagkain ang matanda, na natutuwa naman kapag kinukunan siya kaya naging regular na siyang paksa ng mga litrato at videos na ina-upload ni Shakir sa YouTube.
Umabot ang mga kuhang video ni Shakir sa pamilya ni Singh, na agad nagpatulong sa mga awtoridad sa pagtunton sa matagal na nilang nawawalang kamag-anak.
Ngayon ay hinihintay na si Singh sa Manipur ng kanyang pamilya na 49 taon nang nag-aasam ng kanyang pagbabalik.