Matindi ang pangamba ng mga regular na pasahero ng transport network vehicle service (TNVS) sa bansa sa posibleng pagtaas ng pasahe dito, dahil nga sa pagkakabili ng Grab sa Uber.
Kaya nga matindi ang panawagan sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) na madaliin ang pagpapasok ng ibang TNVS players para merong kompetisyon.
Kung makokopo ng Grab ang operasyon na dapat sana ay nagsimula na nga noong Abril 9 ngunit pinigil muna ng Philippine Competition Commission (PCC), hindi talaga malayong gawin nila ang kanilang naisin.
Walang choice ang mga mananakay, kung baga, kung ayaw mo, wag mo.
At dahil sa kailangan, magtitiis ka na lang sa kanilang dikta kahit sobra-sobra.
Dito na masusumpungan ang monopolya.
Sa mga regular na user ng TNVS, noon ikinukumpara nila ang rates ng Uber at Grab , at siyempre sa mas mababang presyo sila magpapa- book ng biyahe.
May pagpipilian, pero kung ang Grab na lamang ang siyang mag-ooperate, yun nga walang choice ang mga mananakay na makapili at magkumpara.
Inanunsyo kamakailan ng LTFRB na may tatlong bagong kompanya ng ride-sharing ang nagnanais na pumasok sa bansa na ito naman ang pinamamadali sa kanila ni Senate Pres. Koko Pimentel.
Mas maraming pagpipilian o may kumpetisyon mas pabor ito sa mga mananakay.
Hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang LRTFB, papasukin na ang mga bagong kompanya para mapigilan ang monopolya.