EDITORYAL - Isa na namang DH ang minaltrato

DALAWANG araw makaraang ipangako ni Pres. Rodrigo Duterte na poprotektahan at hindi na makakaranas nang pagmamaltrato ang mga overseas Filipino workers (OFWs), isa na namang domestic helpers ang pinagmalupitan ng kanyang amo.

Nangyari ang pagmamalupit sa Jeddah, Saudi Arabia kung saang isang Pinay domestic helper ang sapilitang pinainom ng kanyang among babae ng isang boteng bleach. Ang bleach ay gamit na pampaputi sa damit. Dahil sa nangyari, nagkaroon ng pagdurugo sa internal organ ng Pinay. Kasalukuyan siyang nasa ospital at nasa pangangalaga ng embahada ng Pilipinas. Nadakip na umano ang among babae ng Pinay.

Naganap ang pagmamaltrato habang si President Duterte ay nakipagkita sa Pinay DH na si Pahima Alagasi, 26, taga-Pikit, North Cotabato, na binuhusan nang mainit na tubig sa ulo ng amo nito sa Saudi Arabia noong 2013. Dahil sa pagbuhos ng mainit na tubig, nakalbo si Pahima.

Sinabi ni Duterte na hindi na mauulit ang pagmamaltratong katulad ng nangyari kay Pahima. Hindi na raw makakatikim ng pagmamalupit ang mga OFWs lalo ang mga domestic helper. Nangako rin daw sa kanya ang Prinsipe ng Saudi na lulutasin ang kaso ni Alagasi. Nagtungo sa bansa si Saudi Prince Abdulaziz Bin Saud bin Naif at nakipagkita kay Duterte noong nakaraang buwan.

Hindi pa natatagalan nang mapabalita ang pagkakadiskubre sa bangkay ni Joanna Demafelis sa isang freezer sa Kuwait City. Mga amo rin ni Joanna ang pumatay sa kanya. Ang pagpatay kay Joanna ang dahilan kaya ipinatigil ni Duterte ang deployment ban sa Kuwait. Naaresto ang mga among killers at nahatulan ng bitay pero hindi pa inaalis ang ban.

Marami pang minamaltratong OFWs. Sana, ganap silang maprotektahan. Tama na ang pagmamalupit at pagpapahirap sa kanila.

Related video:

Show comments