KUMUSTA na kaya si Manong Naldo na inuupahan niyang magtabas sa mga damo sa loob ng farm? Natatabasan pa kaya niya ang mga iyon? O baka naman umalis na rin siya dahil wala nang nagbabayad. Ang alam niya wala pa ring tao sa katabi ng kanyang farm. Sa tagal nang hindi niya pagdalaw sa MATANDANG TINALI FARM ay baka mistulang gubat na. Palagay niya ay lumipat na ng ibang pagtatabasang farm si Manong Naldo. Kailangan din naman niyang kumita para makakain.
Binilang ni Dong kung ilang buwan siyang hindi nakadalaw sa farm --- pitong buwan! Matagal-tagal na rin. Ganoon pala siya katagal na nahumaling sa magnanakaw na si Babes. Parang maikli lang pero ang dami nang nangyari. Muntik pa siyang mabitag ni Babes. Mabuti na lamang at natuklasan ni Boy ang modus ng walanghiyang babaing yun. Kung kinagat pala niya ang panunukso ni Babes ay baka masyadong malala pa ang nangyari sa kanyang dormitoryo. May grupo pala ang babaing iyon na ang target ay Iphone at mga mamahaling gadgets kaya binansagang Iphone Gang.
Isang malaking aral ang napulot niya sa pagkakahu-maling kay Babes at nangako siyang hindi na iyon mauulit. Nahaling siya kay Babes dahil gusto na rin niyang makapag-asawa – matandang tinali na siya. Makunat na ang balat. Pero ngayong may aral na siya, hindi na iyon mauulit. At siguro, kahit na hindi siya makapag-asawa. Okey na sa kanya kahit walang makasama sa buhay.
Pinlano niya ang pagbabakasyon sa MATANDANG TINALI FARM. Doon muna siya sa mahaba-habang panahon. Mas maganda roon at walang mga sagabal. Pawang mga punongkahoy at malinis na sapa ang makikita. Walang problema.
Mga isang taon! Tama! Mga isang taon siyang mamamalagi sa kanyang farm. Masusubaybayan niya nang ayos ang farm. Ang problema ay baka wala na roon si Manong Naldo. Pero kung wala na si Manong, wala siyang magagawa.
Nagpaalam siya kay Boy.
“Ikaw na muna ang bahala rito sa dorm, Boy. Matagal akong mawawala. Mga isang taon!’’
“Saan ka po pupunta?’’
“Sa farm ko sa Laguna.’’
‘‘A okey po. Sige po mag-ingat ka Sir Dong.’’
‘‘Salamat, aalis na ako Boy. Text mo o tawagan kaya ako kung may problema rito.’’ (Itutuloy)