(Last Part)
ANG pinupuntiryang award ng mga rich classmates but not too smart para maging first honor at second honor ay ang award na Model Pupil. Mabilis lang maging model pupil, regular lang na magbigay kay titser ng chocolates o kahit anong masarap at mamahaling pagkain, malaki ang pag-asa na maging Model Pupil. Ang kadalasang nagiging model pupil ay mga estudyanteng may inang nurse na nagtatrabaho sa U.S.A. Laging ka-share si Titser sa “stateside” na chocolate na padala ni Mommy nurse.
Noong 60’s, marami-rami rin sa mga ina ng mga kaedad kong bata ay nurses na pumupunta sa US. Siyempre, bilang ganti ng titser sa mga natatanggap nitong biyaya, sa estudyanteng generous magregalo ibibigay ang award na Model Pupil sa pagtatapos ng school year. Malaking usapin kung ang first honor at second honor ang ipamimigay na lang basta-basta. Sa Model Pupil, walang kukuwestiyon sa desisyon ng titser kung kanino man niya ito ibigay.
Isang araw, nagtaka ako. Ang nakita kong nagregalo ng chocolate kay titser ay ang kaklase kong mahirap at walang inang nurse sa U.S.—si Agripina. Seatmate ko si Pina at nasilip ko ang brand ng chocolate…stateside. Pasimple nitong iniabot ang chocolate. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Titser. May tindahan ng mga stateside na candies and chocolates sa palengke. Nakakabili lang ako doon kung araw ng Pasko kung kailan marami akong pera. Mahal kasi ang bilihin sa tindahang iyon. Siguro mga tatlong beses lang siyang nakapag-abot ng chocolate kay Titser. Tapos tumigil na siya ng pagbibigay.
Ang aking kaibigan ay pumapasok na tindera sa tindahan ng “stateside” na candies at chocolate tuwing summer vacation. Ibinilin sa aking kaibigan ng may-ari ng tindahan ang mga photos ng mga taong nahuli nang nagnanakaw sa tindahang iyon. Hindi ito ipinapaskel sa loob ng tindahan kundi for reference lang sa mga tindera para alert na sila kapag pumasok na sa tindahan ang mga pagmumukhang iyon. Isa sa nasa litrato ay si Pina. Namukhaan niya ito dahil kaklase niya ang ate ni Pina.
Ang mga paninda sa tindahang nabanggit ay mabilis nakawin dahil nakalagay lang ito sa mga tray at nakabuyangyang lang sa mesa. Nang tanungin daw ng may-ari kung bakit siya nagnakaw, ang sagot ay gusto lang niyang makapagregalo sa titser. Lahat ng kapatid niya ay honor students. Siya lang ang hindi. Kaya para magkaroon ng medal, naisip niyang magbigay lagi ng chocolates sa titser. Kahit man lang Model Pupil ay masungkit niya. Gusto niyang ipagmalaki rin siya ng kanyang mga magulang.
Si Pina ay naging kaklase ko hanggang high school. Noong kami ay graduate na sa college, inutangan niya ng malaking halaga ang kaklase namin na bestfriend niya. Hindi na niya ito binayaran kahit kailan. Lately ko lang nalaman na iyon ang dahilan kung bakit hindi ito maka-attend ng class reunion.