Model Pupil

NOONG nasa public elementary school ako, ang sinasabitan lang ng medalya sa pagtatapos ng school year ay first honor, second honor at model pupil. Tatlong estudyante lang ang pinipili per grade level at nanggagaling sila sa section one. May seven sections bawat grade level.

Ang model pupil ay katumbas ngayon ng “best in conduct”. Dapat ang model pupil ay huwaran ng kanyang mga kaklase sa pagkakaroon ng magandang ugali. Hindi man siya honor student pero dapat ay nagpapakita rin siya ng katalinuhan. Hindi pipiliin kung basta lang mabait, dapat ay hindi siya kabilang sa laylayan ng klase or row 4. Pero hindi ganoon ang pagpili ng model pupil. Drowing lang ‘yun. Kadalasan ang nagiging model pupil ay sipsip kay Titser.        

Lahat ng elementary schools sa aming maliit na bayan ay pampubliko. Kailangan pang dumayo sa katabing city kung gusto ay sosyal na private school. Kaso 45-minute-drive ang distansiya ng city sa aming bayan kaya alas cinco pa lang ng umaga ay sinusundo na ng school bus ang estudyante. Doon sumusuko ang mga elementary students na anak ng mayayaman—paggising ng maaga. Kaya ang ending ay nagtitiyaga na lang sila na mag-aral sa public. Tutal ang magagaling na titser sa aming bayan ay nasa public school kung saan ako nakaenrol.

Karamihan sa mga anak ng mayayaman o may magulang na nagtatrabaho sa U.S. ay nasa section one. Kapag mahirap at nasa section one, totoong matalino ka. Pero kapag mayaman ka at nasa section one, may dalawang dahilan: either matalino ka rin or nakiusap ang magulang.

Ang pinupuntiryang award ng mga sosyal pero hindi kayang maging first honor at second honor ay ang award na Model Pupil. Regular lang na magbigay sa titser ng chocolates o kahit anong masarap at mamahaling pagkain, malaki ang pag-asa na maging Model Pupil.

Isang araw, nagtaka ako. Ang nakita kong nagregalo ng chocolate kay titser ay ang kaklase kong mahirap — si Agripina. (Itutuloy)

Show comments