MAY magandang mungkahi si incoming PNP chief Oscar Albayalde: Isailalim sa drug tests ang mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Ayon kay Albayalde, sa pamamagitan ng drug tests maipaalam ng kandidato sa mamamayan na sila ay malinis sa droga at hindi addict. Kung walang bahid sa droga, maaaring makadagdag ito sa kuwalipikasyon. Ginawa ni Albayalde ang mungkahi, ilang araw makaraang ihayag ni President Duterte na ito ang papalit kay General Ronald dela Rosa bilang hepe ng PNP.
Pero sabi ng Commission on Elections (Comelec) hindi nila mapupuwersa ang mga kandidato sa barangay na magpa-drug tests. Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez na hindi saklaw ng poll body ang mandatory drug testing ng mga kandidato. Ayon sa Supreme Court, hindi puwedeng utusan ng Comelec ang mga kandidato na magpa-drug tests.
Kung hindi saklaw ng Comelec ang mga kandidato sa barangay para manduhan magpa-drug tests, dapat ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang gumawa ng hakbang ukol dito. Malaki ang maitutulong ng mandatory drug testing sa mga kandidato sa barangay para malutas ang problem sa droga.
Si Pres. Rodrigo Duterte na mismo ang nagsabi na 80 percent ng barangay sa bansa ay drug infested. Maraming barangay captain ang protector ng drug syndicate. Maski sa bakuran ng barangay hall ay nagkakaroon ng transaksiyon sa droga. At mai-imagine kung ang mahahalal na barangay chairman ay sangkot sa drug trade. Ang problemang ito ang dahilan kaya dalawang beses ipinagpaliban ni Duterte ang barangay elections. Gagamitin umano ng drug syndicate ang pera para suportahan ang kanilang “manok”.
Kung walang hurisdiksiyon ang Comelec sa pag-drug tests sa mga kandidato, mas mainam naman kung magkusa na lamang ang mga tatakbo. Sila na mismo ang magtungo sa clinic, magdala ng ihi at ipaeksamin. Hahangaan pa sila ng mamamayan at maaring ihalal sa pagiging matapat at malinis.