SENTRO ng drug trade ang New Bilibid Prisons (NBP). Kahit ilang ulit nang nagpalit ng hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) at maski pinalitan ang mga jailguards ng Special Action Force (SAF), wala ring epekto. Laganap ang corruption sa NBP kaya naman hindi matapos ang problema sa illegal drugs. Pera ang pinakikilos ng mga nakakulong na drug lords kaya patuloy ang kanilang drug trade. Maraming shabu sa NBP kaya dito nanggagaling ang ikinakalat sa Metro Manila. Pati ang shabu na nakukumpiska sa Correctional Institution for Woman ay sa Bilibid nanggagaling.
Nang magkaroon ng Congressional hearing noong 2016, isinalaysay ng mga bilanggong testigo na nagbibigay sila ng milyong piso sa mga opisyal ng BuCor at ganundin kay dating Justice Secretary at ngayo’t senador Leila de Lima para gamitin sa kandidatura nitong 2016 elections. Halos lahat ng mga bilanggong testigo ay itinuturo si De Lima. Pinabulaanan naman ni De Lima ang mga akusasyon. Nakadetain si De Lima hanggang sa kasalukuyan dahil sa isyu ng droga sa Bilibid.
Hindi lamang droga ang naipapasok sa Bilibid meron ding alak, baril, cell phone, gadgets at iba pa. Noon sa hearing, ipinagmalaki pa ng isang bilanggong testigo ang kanyang kuwarto sa kubol ay talo pa ang isang kuwarto sa five-star hotel. Namumuhay nang marangya ang mga drug lord na bilanggo at tila nasa “laya” sapagkat nagagawa ang anumang ibigin. Basta kailangan lamang ay maglagay sila ng milyong piso sa mga matataas na opisyal ng NBP at maiimpluwensiyang tao.
Sa isang linggo ay uupo na si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa BuCor. Dito makikita ang kanyang kakayahan kung paano mawawakasan ang drug trade sa Bilibid. Kaya ba niyang basagin ang drug trade sa loob? Sabi niya, wawakasan na ito. “Mark my word!” sabi niya. Hindi raw siya kayang talunin ng mga drug lord.
Hihintayin ng taumbayan ang pagwasak ni Bato sa “salot” na drug trade sa Bilibid. Matagal na itong inaabangan.