EDITORYAL - Nakababahala na ang mga namamatay sa Dengvaxia
AYON sa Public Attorney’s Office (PAO), nasa 100 na ang mga batang namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia. At pawang iisa ang pattern ng mga batang namatay matapos awtopsiyahin. Nakita na may pagdurugo sa utak, namaga ang atay at may pagdurugo rin sa iba pang internal organs. Ayon sa PAO, nasa 44 na bangkay na ang kanilang naawtopsiya at iisa ang pattern o parehung-pareho sa iba pang kanilang naeksamin.
Pero sa kabila nito, walang naririnig sa Department of Health (DOH). Hindi pa rin sila naniniwala na may kaugnayan ang Dengvaxia sa pagkamatay ng mga bata. Hanggang ngayon, wala silang ginagawang aksiyon para masubaybayan ang maraming bata na nabakunahan noong 2016. Wala pa rin silang maipa-kitang masters list ng mga bata na nabakunahan para maging mabilis ang pagtulong sa mga ito. Umabot sa mahigit 800,000 bata ang nabakunahan at lahat ito ay mga mahihirap. Walang mayayamang bata na nagrereklamo sa Dengvaxia.
Ang hinihiling ng mga magulang ng batang nabakunahan, dapat magbigay ang DOH ng mga dapat gawin sakali’t maglutangan na ang sintomas ng dengue sa mga nabakunahan. Ayon sa Sanofi Pasteur, maker ng Dengvaxia, magkakaroon ng severe dengue ang batang binakunahan na hindi pa nagkaka-dengue.
Noong isang araw, nakalulunos ang pag-iyak ng isang ina makaraang mamatay ang kanyang anak na lalaki. Dumaing ng pananakit ng ulo ang anak, na-ngisay at namatay. Sabi ng ina, malakas ang kanyang anak at nagkaganito lamang mula nang mabakunahan ng Dengvaxia.
Kahapon, isang ama mula sa Cavite ang nainterbyu at sinalaysay ang pagkamatay ng anak dahil sa Dengvaxia. Dumaing din ng sakit ng ulo at namatay. Ga-graduate pa naman ang anak niya sa Grade 6.
Nakababahala na ang pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia? Ano pang patibay ang hinahanap ng DOH? Kapag namatay na lahat ang mga bata?
- Latest