Karahasang may konek sa barangay elections dapat na matutukan!

Mukhang tuluy-tuloy na ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa darating na Mayo.

Habang papalapit nang papalapit na naturang halalan eh tila, nakagpagtatala na ng mga kaso ng pamamaril at pagpaslang sa ilang nakaupo nang opisyal sa barangay at ilan sa mga hindi man nakaupo eh, nagbabalak na sumabak sa naturang halalan.

Habang papalapit nang papalapit ang halalan, siya namang pagtaas ng insidente ng karahasan sa lebel ng barangay.

Bagamat hindi lahat dito ay sinasabing may kinalaman sa halalan, mas lamang ang bilang na konektado ito sa kanilang pagtakbo sa eleksyon.

Ang nakakatakot pa nga rito, eh ang nagkalat na mga loose firearms na madalas na nagagamit sa krimen.

Isa pa sa nagpapasiklab ng karahasan kapag sumasapit ang halalan ay yong mga security o bodyguard o private army ng mga kandidato.

Isipin pang barangay level pa lamang ito, aba’y ang mga kandidato ay mistulang sa national level na tatakbo sa dami ng nakapaligid sa kanilang armado.

Ito rin ang dapat na mabantayan ng mga kinauukulan.

Nauna nang nagbabala ang DILG na bawal ang mga pulis na mag-bodyguard sa mga tatakbong opisyal sa barangay.

May mga insidente sa nakaraan na mukhang sa lebel ng barangay mas mataas ang insidente ng mga karahasan kumpara sa nasyonal.

Isipin pang halos magkakapitbahay lamang ang mga maglalaban, may ilan magkakamag-anak pa na magkakatunggali, pero hindi pa rin naiiwasan ang magkasakitan.

Dito kailangan ang mahigpit na pagbabantay ng kapulisan.

Tignan natin kung ito ay maipapatupad.

Show comments