Sabong-on line, ang bagong kalbaryo ni Juan

BUKOD sa mga casino, karerahan, peryahan, jueteng, masiao, lotteng ang mga sugal na nagkalat saan mang dako ng Isla de Filipinas, at ang sabong na isa sa pinakamatandang sugal-aliwan ay naging higante nang problema ng mga mag-asawa na dati ay dibersyon lamang, pero ngayon ay bisyo na talaga.

Napapanood na sa telebisyon at nakakataya na rin halos araw-araw na, kasabay sa pagtaya sa mga off track betting station (OTB) ng karera ng kabayo. Naragdagan na talaga  ang sakit ng ulo ng mga misis na ang pinagkakasyang budget sa pamilya ay nauuwi lang sa takilya ng sabong at karera. Mas malamang naman talaga ang talo sa sugal kaysa panalo, di ba?

 Dapat nang kumilos ang local government unit (LGU) sa mga pag-usbong ng mga sabong-on line betting stations sa kanilang nasasakupan, bago pa maghalo ang balat sa tinalupan. Kalbaryo na nga naman ang karera ng kabayo, dinagdagan pa ng sabong? Mark my words!

• • • • • •

Maituturing na illegal kung walang ordinansa na nagpapahintulot

Ang kapakanan ng mga kabataan at mamamayan  ang dahilan kung bakit may antigong ordinansa na nagbabawal na magtayo ng beer houses, night clubs o kahit restaurants na nagpapainom ng alak sa hindi kukulangin sa 50 metrong layo sa mga eskuwelahan at simbahan.

Bakit nga ba nakakapag-operate ang mga ganitong establishments? Hindi naman yata kapani-paniwala sa katulad ng Metro Manila at malalaking siyudad na kailangan nila ng additional revenues mula sa ganitong negosyo na nakakasama sa mga kabataan. Kahit nga curfew hours at pagbabawal sa pag-iinom sa kalsada ipinatutupad, bakit nga naman pinapayagan ang lantarang pagsusugal? Hahaha mga buraot!

 • • • • • •

Alam kaya ng mga mayor ang ginagawa ng BPLO chief nila?

Maihahalintulad na sa Sodom at Gomorrah ang konsepto ng mga naglalakihang siyudad sa buong bansa na pinamumugaran ng imoralidad na sinasabawan ng sugal, babae at alak, kaya hindi malayong yanigin na tayo ng lindol sa malapit na hinaharap. Kung magkano at kanino napupunta ang mga extra income ng higanteng mga siyudad tulad ng nasasakupan ng Metro Manila, si Mr. BPLO lang ang nakaaalam, pero malamang na panggastos sa eleksiyon ang iba. Mga buraot talaga!

Samantalang maluwag ang BPLO sa pagbibigay ng permiso sa OTBs na may katernong sabong, ginigipit naman ang mga lehitimong maliliit na negosyante sa pagkuha nila ng business permits, at kailangan pa raw makiusap ng sagad sa taga-BPLO at official fixers nila para sa mabilis na proseso nito. Alalahanin sana nila ang utang na loob nila na nagkatrabaho sila sa City Hall dahil sa mamamayan nila.

Kukulangin ang espasyo ng artikulo ko kapag tinumbok silang lahat, pero puno na ang salop, kaya hintayin ninyo mga KABAKAS at hihimayin ko sila!

Show comments