^

Punto Mo

Meowy

DIKLAP - Ms. Anne - Pang-masa

BIGLA na lang sumipot sa loob ng bakuran ni Milan ang itim na pusa. Sumiksik ito sa sulok na parang natatakot nang makitang tinitingnan siya ni Milan. Nang panahong iyon ay maraming daga ang pumapasok sa kanilang bakuran. Sa magkakapitbahay kasi, sila lang ang walang alagang aso o pusa man lang kaya walang hahadlang sa mga dagang ito sa pamamasyal sa kanyang garden.

Kumuha ng kapirasong isda at kanin si Milan at inilagay sa isang mangkok na hindi na ginagamit. Inilagay niya iyon sa tabi ng pusa. Mukhang “shy” ang pusa kaya pumasok si Milan sa loob ng bahay. Pero nakasilip siya sa bintana para abangan kung kakainin ng pusa ang ibinigay niyang pagkain. Kagaya ng inaasahan, agad nilantakan ng pusa ang inihain sa kanya. Aba, nawili ang pusa at araw-araw na itong pumapasok sa bakuran nila. Hanggang napansin ni Milan na doon na sa garahe nila ito natutulog.

Simula noon, madalas na may nakikitang bangkay ng malalaking daga sa sulok-sulok ng garden nila. Mukhang pinasisikatan siya ng pusa. Para bang isinisigaw nito—O, di ba hindi nasayang ang pag-ampon mo sa akin? Isang kapitbahay ang nagpayong huwag kumupkop ng itim na pusa dahil malas ito. Pero hindi siya naniniwala sa pamahiin. Bakit niya palalayasin ang nanghuhuli ng daga na kinatatakutan niya. Mas takot siya sa daga kaysa hindi nakikitang “kamalasan”.

Matandang dalaga si Milan. Nag-iisa lang siya sa bahay na nabili niya. Dati ay magkakasama silang tatlong magkakapatid sa bahay ngunit nag-alisan ang mga ito nang ang isa ay nag-abroad at doon na nanirahan. Ang bunso naman ay sa probinsiya nila naninirahan at sinasamahan ang kanilang biyudang ina na nag-iisa rin sa ancestral house nila. Ayaw niyang kumuha ng katulong dahil minsan na siyang pinagnakawan. Okey nang mag-isa kaysa may kasamang hindi niya nakikilala ang pagkatao.

Isang araw, sa sobrang kapaguran ay napaidlip siya sa salas. Hindi niya namalayan na nakatulog na siya. Maya-maya ay namalayan niyang may nasa ibabaw ng kanyang dibdib. Pagmulat niya ay buong ningning na nakapatong sa kanya ang pusang itim at ngumingiyaw ito sa harap ng kanyang mukha. Napasigaw siya nang buong lakas. Tapos may naamoy siyang nasusunog. Tumakbo siya patungo sa kusina. Bago matulog, may niluluto siyang paksiw na bangus. Natuyuan na ito ng sabaw. Nagtutong at nagsisimula nang umusok sa buong kusina. Kung hindi siya ginising ng pusa, baka nasunog na ang bahay niya.

Pinaturukan niya ang pusa. Pinalinis ito sa salon ng mga hayop. Ibinili niya ng malambot na tulugan. Sa ibaba ng kanyang kama niya ito nakapuwesto. At siyanga pala, binigyan niya ito ng pangalang Meowy.

vuukle comment

MILAN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with