EDITORYAL - Walisin, mga kawatan sa NAIA
KAMAKAILAN lang, isang taxi driver na pumapasada sa NAIA at sumisingil ng P500 sa kanyang pasahero ang tinanggalan ng prankisa at binawi ang driver’s license. Habambuhay nang hindi makakapagmaneho ang taxi driver dahil sa kanyang pag-o-overcharge. Sa galit ni MIAA General Manager Ed Monreal, gusto na niyang hampasin ng cell phone ang sutil na driver. Sabi ni Monreal, hirap na hirap daw silang ibangon ang imahe ng NAIA pero ibinabagsak naman ng mga walanghiyang taxi driver. Nabulgar na maraming beses na palang naniningil nang sobra ang driver. Sa halip na gamitin ang metro ng taxi, kinokontrata niya. Gigil na gigil si Monreal sa taxi driver.
Noong Miyerkules Santo, isa na namang batik sa NAIA ang ginawa mismo ng mga tauhan doon. Mas lalong nakakahiya ang nangyari sapagkat ninakawan ang isang Japanese national ng dalawang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) sa NAIA Terminal 3.
Umusok na naman sa galit si Monreal sa ginawa ng mga tauhan na sina Stephen Bartolo at James Timtim Demie. Ayon kay Monreal, dumating si Yuya Sakata mula Sydney, Australia. Inilagay ni Sakata ang kanyang wallet na may lamang 2,700 Australian dollars sa loob ng bag at saka ito idinaan sa X-ray machine. Pero nagulat si Sakata nang madiskubreng nawawala ang kanyang pera sa bag.
Nang rebyuhin ang CCTV, kitang-kita na may kinuha sa bag sina Bartolo at Timtim Demie. Naaresto ang dalawa at ipinagharap na ng kasong pagnanakaw.
Dapat imbestigahan pa ang pangyayaring ito. Maaaring matagal nang ginagawa ng dalawa ang pagnanakaw. Maaaring marami pa silang kasabwat. Dapat ubusin o lipulin ang mga magnanakaw sa NAIA. Nakakahiya sila! Sino pa ang matutuwang bumisita sa bansa kung sa NAIA pa lamang ay mayroon nang mga magnanakaw? Lipulin ang mga kawatan sa airport.
- Latest