EDITORYAL - Kulang sa fire drill

HINDI lang earthquake drill ang dapat gawin ngayong panahon, kailangan na ring magsagawa ng regular na fire drill para mamulat ang mamamayan kapag nagkaroon ng sunog. Ang kawalan  ng nalalaman sa panahon ng emergency ang nagdadala sa kapahamakan.

Mula nang ideklara ang Fire Prevention Month ngayong Marso, mahigit 100 sunog na ang naganap sa buong bansa at ilan dito ay malagim. May mga namatay at malubhang nasugatan. Maraming ari-arian ang napinsala.

Hanggang sa sinusulat ang editorial na ito, umuusok pa ang Manila Pavilion Hotel sa United Nations Avenue sa Maynila. Nasunog ang Pavilion noong Linggo ng umaga na naging dahilan sa pagkamatay ng limang tao. Pawang mga empleado ng Pagcor ang namatay. Karamihan sa namatay ay dahil sa suffocation. Hindi sila nakalabas sa kinaroroonan sapagkat wala nang makita dahil sa usok. Ayon sa mga nakaligtas, nahirapan silang makalabas. Ang ilan kailangan pang tumalon para makatakas sa sunog kaya nagkaroon ng pilay sa paa at binti.

Hindi pa mabatid ng Bureau of Fire Protection kung ano ang pinagmulan ng sunog. Sabi ng mga occupant ng hotel, mayroon daw nagwe-welding sa bahagi ng hotel at maaaring ang spark ng welding ang pinagsimulan ng sunog. Itinanggi naman ng pamunuan  ng hotel ang report.

Sabi pa ng mga guest, hindi raw nagpa-function ang sprinklers ng hotel. Wala rin daw silang narinig na fire alarm. Nalaman na lamang daw nila na may nasusunog nang pumapasok na ang usok sa kanilang room.

Kung ang malaking hotel na gaya ng Pavilion ay hindi ligtas sa sunog, mas lalo naman ang mga dormitoryo at boarding house na laging punumpuno ng mga estudyante. Karamihan sa mga ito ay hindi na naiinspeksiyon ng BFP kaya maaaring nalalabag na ang batas.

Isa sa mga dapat isulong ng BFP ay ang pagkakaroon ng fire drill para maihanda ang mamamayan. Magdaos din ng fire drill sa mga school para mayroong alam ang mga estudyante. Ang kawalan ng nalalaman ang naghahatid sa trahedya.

Show comments