TULUYAN nang tinigil ni President Duterte ang pagpapadala ng Pinoy workers sa Kuwait makaraang lumabas ang balita na isang Pinay domestic helper ang natagpuang nasa freezer ng isang abandonadong apartment doon. Nakilala ang Pinay na si Joana Daniela Dimapilis, 29, taga-Iloilo. Maraming pasa sa katawan si Dimapilis. Tumakas na umano ang Lebanese employer nito. Hinihinalang isang taon nang nasa freezer si Dimapilis.
Galit na galit si Duterte nang malaman ang balita tungkol kay Dimapilis at sinabing gagawa siya ng drastic moves para maprotektahan ang mga workers sa Kuwait. Hinikayat niya ang mga OFW sa Kuwait na umuwi na. Kakausapin daw niya ang PAL at Cebu Pacific na isakay ang OFWs na gustong umuwi.
Sinuspinde ng pamahalaan ang pagpapadala ng workers sa Kuwait noong Enero 19, kasunod ng balita na apat na DH doon ang ginahasa ng mga Kuwaiti. Ang kawalan ng aksiyon ng Kuwaiti government sa mga pang-aabuso ng employers doon ang nagpatindi sa galit ni Duterte. Maraming Pinay doon ang nakaranas ng kalupitan sa kanilang mga amo. Sa kaunting pagkakakamali, binubuhusan nang mainit ng tubig, pinaplantsa, sinasabunutan at iba pang pananakit.
May pangyayari roon na isang Pinay ang halinhinang ginahasa ng Kuwait police sa disyerto. Ilang kaso na rin ang naitala na may mga Pinay workers na nasiraan ng bait dahil sa paulit-ulit na panggagahasa ng amo. May pangyayari na isang Pinay ang nagtatakbo nang hubad sa kalye makaraang gahasain ng among lalaki.
Marami pang pang-aabuso at kalupitan ang dinaranas ng mga Pinoy workers sa Kuwait. Sa talumpati ni Duterte noong Biyernes sa Davao City, tinanong niya kung ano ang mali sa kultura ng mga Kuwaiti at anong klaseng values mayroon ang mga ito.
Tama lamang ang pasya ni Duterte total ban na sa pagpapadala ng workers sa Kuwait. Lubhang kawawa na ang mga Pinoy worker doon lalo ang domestic helpers. Panahon na para sila makalaya sa mga malulupit at manyakis na amo.