EDITORYAL - Imbestigahan ang Kadamay
NAGBABALA noong nakaraang taon si Pres. Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Kadamay na huwag nang mang-aagaw ng mga bahay sapagkat pababantayan na niya ang mga ito sa mga pulis na may bazooka at M60 machine gun. Huwag nang uulitin ang ginawang pag-agaw ng bahay sa Pandi at San Jose del Monte, Bulacan.
Hindi na nga nang-agaw ng bahay ang mga Ka-damay members pero mas matindi ang ginawa ng isang miyembro --- ipinagbili umano ang bahay nito. Ayon sa National Housing Authority (NHA), nakunan pa ng video ang transaksiyon sa pagbebenta. Ang video ay ipinadala sa NHA at iniimbestigahan na. Sabi naman ng pinuno ng Kadamay, na-setup lang lang sila. Hindi raw totoo ang alegasyon. Hindi raw nagbenta ng bahay ang miyembro nila.
Nararapat maimbestigahan ang pangyayaring ito at kung mapatunayan, isakdal ang miyembro. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng bahay lalo pa’t galing ito sa pamahalaan. Nakasaad ito sa nilagdaang kasulatan na hindi dapat ibenta ang ini-award ng gobyerno.
Noong nakaraang taon, inokupahan ng mga mi-yembro ng Kadamay ang mga housing unit sa Pandi at San Jose del Monte. Ang mga bahay na inukopa ay nakalaan sana sa mga pulis at sundalo pero wala nang nagawa ang National Housing Authority (NHA) sapagkat nagmatigas na ang mga Kadamay. Hindi raw sila aalis. Nakatiwangwang naman daw ang mga bahay at nabubulok lang kaya inokupahan na nila. Nagmartsa rin daw sila sa Mendiola noon at nananawagan sa gobyerno para bigyan sila ng desenteng tirahan pero hindi sila pinakinggan.
Nagtagumpay ang Kadamay na mapapayag ang Presidente na angkinin ang mga bahay sa Pandi. Ipinagkaloob na sa kanila at nawalan ang mga pulis at sundalo. Ngayon ay panibagong problema ang idinudulot ng Kadamay sapagkat ibinibenta umano ang bahay na kaloob ng pamahalaan. Hindi dapat hayaan ang ganitong gawain. Nang-agaw na nga sila, ay pagkakaperahan pa ang inagaw. Dapat gumawa ng agarang aksiyon ang NHA ukol dito. Baka marami pang gumawa ng ganito sa hinaharap. Pigilan sila habang maaga pa. Hindi dapat ang ganitong gawain.
- Latest