Wakasan na ang komunismo sa bansa
Sumulat na ako sa inyong noong nakaraang Disyembre 5, 2017 pero gusto ko uling ulitin ang pagsang-ayon sa pasya ni Pres. Rodrigo Duterte na huwag nang makipag-usap sa Communist Party of the Philippines (CPP). Naniniwala ako sa kanyang paninindigan. Tama rin lang ang sinabi ng Presidente na terorista ang military arm ng CPP na New People’s Armuy (NPA). Tama lang na nilagdaan ni Digong ang kautusan na nagdedeklarang terorista ang NPA para malinaw sa lahat na hindi naman ang kapakanan ng mamamayan ang talagang nasa isipan ng mga komunista kundi ang kanilang sarili. Kalokohan ang sinasabi nilang tagapagtanggol sila ng mga naaapi at naghihikahos. Kung talagang sila ay tagapagtanggol ng mamamayan bakit wala silang mahikayat na sumama sa kanila. Kailangan pa nilang mag-recruit sa mga school o unibersidad at ito ang kanilang ginagawang front sa pakikipaglaban gaya nang nangyari sa Nasugbu, Batangas noong Disyembre na karamihan sa mga napatay ay mga kabataang estudyante at ang ilan ay babae. Kawawa naman ang mga magulang ng mga estudyanteng napatay na iginagapang nila sa pag-aaral pero iyon pala ay mga miyembro ng NPA. Maging aral sana ang pangyayaring iyon sa mga magulang. Bantayan ang mga anak at baka nadodoktrinahan sila ng mga makakaliwa. Walang patutunguhan ang pagsapi sa mga makakaliwa. Ang komunismo ay bumabagsak na sa maraming panig ng mundo at darating ang araw na maski ang pasaway na North Korea ay yayakapin ang demokrasya.
Tama lang na huwag nang makipag-usap si Digong sa CPP. Ipakita ng pamahalaan na mas malakas sila kaysa NPA. Iilan lang naman ang miyembro ng NPA kaya hindi uubra sa dami ng mga sundalo.
Ipakita ng pamahalaan na mayroon silang kakayahan na lipulin ang NPA na wala nang ginawa kundi ang manunog ng mga ari-arian gaya ng bus, makinarya, gusali, at iba pa kapag hindi nakapagbigay ng revolutionary tax. Marami nang pininsala ang NPA kaya marami na rin ang nawalan ng hanapbuhay. Ito ba ang sinasabi nilang tagapagtanggol sila nang mahihirap at naaapi? Malaking kalokohan yan! Pansarili ang kanilang iniisip kaya dapat lamang wakasan na ang kanilang iginigiit sa bansa. Walang puwang ang katulad nila sa bansang ito na ang mamamayan ay naghahangad ng mapayapa at matiwasay na pamumuhay.
Marami pong salamat. Marami pa akong sulat para sa Pulso ng Masa.
--NONATO LUMANDAY, Vicente G. Cruz St. Sampaloc, Manila
- Latest