‘Natutulog na pamunuan ng ahensiya ng gobyerno, gising!’

WALANG pinipiling tulungan ang BITAG at Kilos Pronto. Sa nagdaang mahigit isang dekada, nakaharap na namin ang iba’t-ibang uri ng tao sa lipunan mula sa pinakamababa hanggang sa pinakaimportanteng nilalang.

Dahil ang mundo ay bilog, hindi maiiwasan na sa isang organisasyon ay ang mismong lider ang minsa’y nakakaranas ng pang-aabuso.

Tulad ng isang mayor sa Northern Samar na lumapit sa aming action center. Sumbong niya, siya ang nabubuntunan ng sisi ng kanyang mga residente dahil sa hindi matapus-tapos na ginagawang kalsada sa ilang bahagi ng kanyang nasasakupan.

Sigaw ni Mayor, tulungan sila na makalampag ang mga tao sa likod ng Department of Public Works and Highways Region VIII para matapos na ang paghihirap at paninisi ng mga residente. 

Ilang taon na nga rin namang nagtitiis ang mga residente sa maputik at lubak-lubak na kalsadang itiniwangwang lang.

Kaya naman matinding galit at panay ang reklamo nila kay Mayor para sa mabilisang pagtapos ng matagal na nilang iniindang suliranin.

Hindi pa man daw naluluklok sa puwesto si Mayor Ferdinand Avila ng San Isidro, Northern Samar ay sinisimulan nang bakbakin at gawin ang kalsadang inirereklamo sa kanya. Naiwang proyekto raw ito ng DPWH-Region 8 sa nakaraang administrasyon.

Hanggang sa nagpalit na ng namumuno, hindi pa rin natatapos. Ang putok sa tutulog-tulog na pamunuan ng DPWH sa Region 8, wala pa ring sagot sa aming mga katanungan.

Ang nakakatawa, ang kalsada raw kasi kapag maayos ay tinitibag saka ginagawa pero ang mga sirang kalsadang sira, dinededma lang. Kung iisiping maigi, sarkastiko na rito si Mayor Avila patungkol sa DPWH.

Hindi na raw makuha ni Mayor sa santong dasalan ang DPWH na tapusin ang nasimulang kalat nila. Kaya ang susunod niyang hakbang, lumapit na sa Kilos Pronto.

Hindi namin nakausap sa ere ang Regional Director ng DPWH-Region 8. Nakapagtataka dahil noong umaga lang ng araw na ‘yun, maayos naming siyang nakausap at pumayag na magpa-interview sa Kilos Pronto.

Inakyat na namin ang reklamo sa DPWH main office at ayon kay Atty. Karen Jimeno Legal Affairs and Priority Projects, siya mismo ang hahawak at kakalampag ng reklamong ito.

Uulitin ko, hindi kami namimili ng tutulungan ke simpleng tao o may katungkulan sa lipunan, patas naming inaasistehan sa abot ng aming makakaya.

Kaya ‘yung mangilan-ngilan diyan na natutulog pa rin sa pansitan, Hoy! gising-gising, aba’y 2018 na, Duterte Administration na! Kilos…pronto!

Show comments