Laging pinupuri ni PNP chief Ronald dela Rosa ang mga pulis sapagkat laging nagpapatrol at ito ang dahilan kaya raw bumaba ang krimen sa Metro Manila. Sinabi pa niya na 24 oras kung magpatrol ang mga pulis kaya naman wala nang nairereport na holdapan sa dyipni. Lagi raw nakaalaerto ang mga pulis.
Aywan ko kung nagbibiro lamang si PNP chief dahil alam kong palabiro siya. Ginagawa niyang biro ang lahat kahit hindi dapat.
Pero kung mag-iikot lamang si Bato sa Metro Manila, tiyak na mapapansin niya na walang mga police na nagroronda. Madalas akong umuwi ng gabi dahil sa aking trabaho sa call center at mula sa aking pinagtatrabahuhan hanggang makauwi ako ng bahay ay wala akong nakitang patrol car. Yan ba ang 24/7 na sinasabi?
Hindi rin ako naniniwala na walang nangyayaring holdapan sa mga dyipni sapagkat karamihan sa mga insidente ay hindi na nare-report. Kaysa magreklamo ang mga tao sa pulis ay umuwi na lamang dahil hindi naman mahuhuli ang mga holdaper.
Isa pang pruweba na walang nagpapatrol na pulis ay ang nangyaring panghoholdap sa lugawan sa Parañaque City kung saan ay tinangay ang kita ng lugawan at pati mga pera ng customer. Pawang de baril ang mga holdaper at walang nagawa ang mga kawawang customer.
Naholdap din ang isang hotel sa Pasay at nakatangay ng milyong piso sa mga guest.
Sana huwag magbiro si PNP chief. Pagpatrolin ang mga pulis para walang holdaper sa gabi. Kawawa naman na pati kumakain sa lugawan ay binibiktima. --- ALFREDO MANIQUIZ, Blumentritt St., Sampaloc, Manila