NGAYONG 2018, dapat tutukan ng pamahalaan ang sector ng agrikultura. Paunlarin ang agrikultura sapagkat napag-iiwanan. Nakalulungkot isipin na ang lahat nang tao ay kumakain pero hindi napaprayoridad ang pagpaparami sa pagkain. Saan ba galing ang pagkain? Sa sector ng agrikultura di ba? Kapag humina ang agrikultura, apektado ang nasa food business. Mawawalan sila ng supply. Mawawalan ng trabaho ang marami. Kaya kung mayroon mang dapat atupagin o iprayoridad ang gobyerno, ito ay ang sector ng agrikultura.
Kung maunlad ang agrikultura, marami ang magkakaroon ng trabaho. Wala nang magbabalak pang magtungo sa Saudi Arabia, Hong Kong, Singapore at iba pang bansa para magtrabaho. Hindi na kailangang lumayo pa sa pamilya para lamang kumita. Narito na sa bansa ang pagkakakitaan. Malawak at mayaman ang lupain ng bansa kaya hindi dapat mawalan nang pag-asa ang mamamayan.
Wala na ring makakaranas ng gutom kung maunlad ang agrikultura. Maraming kakainin. At kung marami ang makakakain, wala nang gagawa ng krimen.
Sa aming paniwala, nararapat tutukan ng Duterte administration ang pagpapaunlad sa mga bukirin. Suportahan ang mga magsasaka. Gumawa ng irigasyon at mga kalsada sa kanayunan para mabilis na madadala ang kanilang ani o produkto sa bayan. Bigyan sila ng mga binhi ng palay na madaling anihin at agad napapakinabangan.
Noong nakaraang taon, nag-alok ng tulong ang Japanese government para sa pag-unlad ng mga magsasakang Pinoy. Ano nang nangyari sa alok na ito? Nangako si Japanese PM Shinzo Abe na tutulong sa mga magsasaka ng bansa. Sinabi niya ito nang dumalaw sa bahay ni President Duterte.
Sana, mapagbuhusan ng pansin ang sector ng agrikultura sapagkat dito giginhawa ang mamamayan. Uunlad ang bansa kung ito ang ipaprayoridad.