ISANG gabi ng Nobyembre 15, 1884, Yorkshire England, natagpuang basag ang bungo ni Miss Emma Keyse sa loob ng kanyang tahanan. Tinangka ng salarin na sunugin ang katawan ni Miss Keyse dahil ang damit na suot nito ay basa ng langis ngunit isang maliit na bahagi lamang ng katawan nito ang nasunog. Ang dinala sa presinto para tanungin ng mga pulis ay ang cook na unang nakakita ng bangkay, si Elizabeth at ang 19 years old na half-brother nitong si John.
Si John ay minsan nang nakulong dahil sa maliliit na kaso ng pagnanakaw. Magkaganoon pa man, kinuha siyang katulong sa bahay ni Miss Keyse dahil sa awa. Ang masamang reputasyon ni John ang nagdiin sa mga pulis para ito gawing pangunahing suspect sa krimen. Isa pang nagdiin sa kanya sa kaso ay ang dugo sa kanyang damit. Ang paliwanag dito ni John, iyon ay sarili niyang dugo nang mahiwa siya sa bubog ng bintanang kinailangan niyang basagin. Nagising siya na puno ng usok ang bahay. Nang magliwanag ang paligid ay nalaman niyang sinunog pala ng salarin ang katawan ng kanyang amo.
Kahit ano pang pagpapaliwanag ang gawin ni John, nadiin na siya sa kaso. Nasentensiyahan siya ng bitay sa pamamagitan ng pagbigti. Bago bitayin, nagdasal nang mataimtim si John.
“Diyos ko, ikaw lang ang nakakaalam na wala akong kasalanan. Huwag mo ako pabayaang mabitay!”
Sa bitayan, ikinabit na ang tali sa leeg ni John. Nakatayo siya sa trap door. Bubukas ang trap door kapag hinila ng berdugo ang lock. Pagbukas ng trap door, bibitin ang katawan ni John sa ere, kasunod noon ay paghigpit ng tali sa leeg nito hanggang sa siya ay mamatay sa pagkakasakal sa tali. Ngunit hindi nangyari ang inaasahan dahil ayaw bumukas ng trap door gaano man katindi ang paghila ng berdugo sa lock nito. Walang magawa ang korte kundi ipagpaliban ang pagbitay. (Itutuloy)