Cell phone na katabi sa pagtulog mapanganib?
ISA pa ring hindi namamatay na isyu hinggil sa smart phone o cell phone ang hinggil sa radiation nito na nakakapagdulot umano ng sakit na kanser. Wala pa itong depinido at siyentipikong basehan kung totoo bagaman patuloy ang pananaliksik ng iba’t ibang grupo ng mga scientist sa buong mundo. Gayunman, inirerekomenda ng mga eksperto ang mga kaukulang pag-iingat tulad ng iiwas sa mga maliliit na bata sa mga cell phone dahil sa hina ng kanilang immunity.
Puwede ring sundan ang mga pamantayang ipinalabas ng mga opisyal ng California Department of Public Health sa United States kamakailan at napaulat sa New York Post para sa ligtas na paggamit ng cell phone at isa sa mga pangunahing babala nito ang panganib sa radiation na nagmumula sa makabagong teleponong ito. Inilatag ng CDPH ang mga estratehiya para mapababa ang mga sinasabing panganib sa kalusugan na maaaring idulot ng cell phone.
Ang naturang mga istratehiya ay nagmula umano sa ilang pananaliksik na nagpapahiwatig na ang napakatagal at madalas na paggamit ng cell phone ay maaaring magdulot ng mga sakit sa tao pero kinikilala naman ng CDPH na nagtutunggalian pa rin ang mga scientist at mananaliksik hinggil sa epekto ng cell phone sa tao.
Sinabi ni CDPH Director at State Public Officer Karen Smith sa isang pahayag na, bagaman patuloy pa rin sa pag-unlad ang agham, nag-aalala ang ilang mga propesyonal sa kalusugan at publiko hinggil sa napakatagal at madalas na pagkakabilad sa enerhiyang nagmumula sa cell phone.
Ayon kay Smith, makakatulong para mabawasang mabilad ang mga bata at matatanda sa radiation ang mga simpleng hakbang tulad ng huwag ilagay sa bulsa ang telepono at ilayo ito sa inyong kama kapag gabi.
Para mabawasan ang pagkakabilad sa radio frequency energy mula sa cell phone, inirerekomenda ng CDPH ang sumusunod: Panatilihing malayo sa inyong katawan ang cell phone, bawasan ang paggamit nito kapag mahi na ang signal, bawasan ang audio at video streaming o pag-download o pag-upload nang malala-king files, ilayo sa kama ang inyong cell phone habang natutulog o iwasang katabi sa pagtulog ang telepono, at alisin ang headset sa ulo kapag hindi ito ginagamit; iwasan ang mga produktong nagsasabing nakakapag-block ito ng radio energy dahil baka lang lalo lang dagdagan nito ang exposure sa naturang enerhiya.
Ang peligro sa radiation na pinatutungkulan ng CDPH ay yaong nagmumula sa radio frequencies na ipinapadala at tinatanggap ng cell phone para makipagkomunikasyon sa mga cell phone tower.
Idinagdag pa ni Smith na ang utak ng mga bata ay umuusbong pa lamang hanggang sa mga panahon ng pagiging tinedyer ng mga ito kaya maaaring higit silang maapektuhan sa paggamit ng cell phone. Dapat anyang ikonsidera ng mga magulang na bawasan ang oras ng paggamit ng kanilang mga anak sa cell phone at hikayatin silang patayin ang telepono sa gabi.
- Latest