BINALOT ng sunud-sunod na kamalasan ang bansa sa panahon ng kapaskuhan na ikinapanlumo mismo ni Pres. Digong Duterte. Nanalasa ang bagyong Vinta sa Mindanao na pumatay ng mahigit 200 katao at sumira nang maraming ari-arian.
Ang pagkamatay ng 20 katao sa salpukan ng Partas bus at jeepney sa Agoo, La union at ang sunog sa NCCC Mall sa Davao City na ikinamatay ng 36 na empleyado ng call Center ay nangyaring lahat sa panahon ng kapaskuhan, kaalinsabay pa nito ay ang pagre-resign ng anak ni Digong na si Paolo bilang Vice Mayor ng Davao City.
Kaagad na nakapagpasabog din ng intriga si PCSO board member Sandra Cam hinggil sa maluhong Christmas party sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa mahigit P6 milyon na ginastos nito sa Shangrila-EDSA. Nakilala noon bilang jueteng whistleblower si Sandra Cam at malamang na marami na ang naiilang sa kanya ngayon sa PCSO.
Urong-sulong din ang naging desisyon hinggil sa pamaskong tigil putukan sa pagitan ng AFP at NPA dahil sa ginawa nilang pananambang sa mga disaster rescue team ng AFP. Kung tutuusin ay dapat nang tuldukan ang hidwaan at magkaroon na nang permanenteng kapayapaan alang-alang sa kinabukasan ng buong bansa. Ano ba talaga ang gustong mangyari ni Lolo Joma Sison?
Nasa 92% ang Kristiyanong Pilipino at 81% nito ay mga Katoliko na ang karamihan sa pamunuan nito ay nakikialam at ang ilan ay tuwirang kumalaban sa mga nakaraang administrasyon at kahit ngayon kay Digong ay ganun pa rin. Hindi kaya karagdagan sila sa nakapagpapabigat sa bayan natin sa mahabang panahon?
Mahalaga sa pamumuno ng bansa ang positibong working chemistry sa katrabaho ng pangulo at walang pansariling ambisyon sa pulitika para maiwasan ang mga pansariling diskarte ng mga ito.
Ayoko sanang isipin na tila may negatibong enerhiya ang ilan sa mga bagong appointees ni Digong na masasabing may dalang kamalasan. Ano sa palagay n’yo mga kabakas?