Nabasa ko ang inyong editorial na nagsasabing dapat bawiin o alisan ng prankisa ang mga may-ari o operator ng jeepney na sasali sa tigil-pasada. Sumasang-ayon ako sa inyong paninindigan. Dapat ngang bawian sila ng prankisa para malaman nila na mali ang kanilang ginagawa. Ang pinahihirapan nila ay kapwa Pilipino. Wala silang habag sa mga naghahanapbuhay para igapang ang pamilya. Ang labis na apektado sa ginagawa ng mga drayber ay kapwa nila mahihirap.
Hindi nila maintindihan ang nais ng gobyerno na isailalim sa modernisasyon ang mga jeepney. Kung tutuusin ay mababa na ang halaga ng jeepney na ibibigay at huhulugan nang katamtaman sa loob ng ilang taon. Bakit hindi nila maintindihan ito. Masyado nang narumihan ang kanilang utak kaya sarado na sa pagbabago. Ipinagpipilitan nila na ipi-phaseout daw ang jeepney at mawawalan sila ng ikabubuhay. Hindi raw kailangang imodernisa ang mga jeepney. Tumatakbo pa naman daw ang mga ito. Kailangan daw ay rehabilitasyon.
Mahirap ngang makaintindi ang ilang lider ng transport group. Ayaw nilang magkaroon ng pagbabago.
Maski si President Duterte ay nagagalit sa baluktot na katwiran ng mga operators. Kaya kapag hindi raw sumunod ang mga ito ay ipasusuyod niya para maalis sa kalsada. Sabi pa ni Digong, ang mga bulok na jeepney ang nagdudulot ng pollution. Marami raw namamatay sa air pollution kaya dapat lamang walisin sa kalsada ang mga bulok na jeepney.
Dapat ngang sampolan ang mga lalahok sa tigil-pasada. Bawian sila ng prankisa. Kailangang makatikim sila ng bangis para maunawaan na mali ang kanilang ginagawa. Kailangan pang hagupitin bago mapagtanto na mali ang kanilang inaakto.
Sa Lunes at Martes ay mayroon na namang tigil-pasada. Ipakita ng LTFRB na mayroon silang pangil. Huwag matatakot sa banta ng transpoert group at sa halip ituloy ang modernisasyon.
--CARLOS MANAILIL, Santander St. Sampaloc, Manila