Isla Paraiso (81)
“BAARRTTTT, tulungan mo kamiiii! Barttttt! Maawa ka sa amin, tulungan mo kamiiii!’’ Sigaw nina Big Boy habang nakakulong sa hanging cage.
Hindi naman lumingon si Bart. Nagpatuloy sila sa paglalakad ni Benhur. Patungo sila sa lugar na pinagpapraktisan nila sa pakikipaglaban.
‘‘Huwag n’yo silang pakakawalan, Benhur,” sabi ni Bart habang patawid sila sa isang sapa na hanggang tuhod ang tubig.
‘‘Bakit Bart. Di ba mga dati mo silang kasama?’’
‘‘Oo pero traidor ang mga ‘yan! Hindi sila mapagkakatiwalaan, Benhur.’’
“Mabuti’t nasabi mo.’’
“’Yung si Big Boy, masyadong loyal yan kay Jumbo. Lahat ay gagawin niya para masiyahan si Jumbo. Delikadong kasama ang taong yan.’’
“’Yan ba ang dahilan kaya hindi ka kasama nina Big Boy nang sumalakay dito.’’
“Oo. Mas gusto ko pang magsolo kaysa may mga kasamang traidor. Mas mahirap kapag may kasamang ahas. Hindi mo alam na mayroong tutuklaw sa likuran.’’
“Paano kung magmakaawa sina Big Boy at iba pang nakakulong na patawarin na sila at magde-defect na sila sa atin, patatawarin ba natin sila?’’
“Huwag! Ako ang pakinggan n’yo dahil kabisado ko ang likaw ng kanilang mga bituka. Matagal ko na silang kilala. Malaking pagsisisi kapag pinalaya sila. Binubuksan pa lang ang cage para sila palayain, mayroon na silang iniisip na katraiduran. Kaya huwag na huwag tatangkaing palayain ang mga taong yun.’’
“Okey, aprub! Sasabihin ko yan kina Sir Alexis at Lolo Kandoy.’’
“Marami pa akong ipagtatapat sa inyo ukol sa mga balak ng mining company sa Isla. Isa na riyan ang paglusaw sa isla mismo. Kakayurin ito nang todo hanggang sa ma-scoop lahat ang nakabaong mina. Naniniwala ang mining company na narito sa islang ito ang napakaraming yaman na hindi makikita sa iba pang lugar. At para makuha lahat ang yaman, palalalimin ito para makuha lahat. Sasalukin nang todo. Walang ititira rito. Kapag ganun ang nangyari, tuluyan nang mawawala ang islang ito. Lalamunin na ito ng dagat.’’
Nanindig ang balahibo ni Benhur. Talaga palang may sa demonyo ang may-ari ng mining company. Dahil sa pagiging gahaman, hindi na iniisip kung may buhay na masasayang at lugar na masisira. Talagang hindi dapat patawarin ang demonyong may-ari.
“Gusto kong makita ang demonyong may-ari. Saan siya makikita Bart?’’
“Mahirap siyang malapitan. Sobrang dami ng alalay. Talo pa niya ang Presidente sa dami ng sekyu.
“Nasa Maynila ba siya?’’
‘‘Oo.’’
‘‘Saan sa Maynila?’’
‘‘Nasa isang 5-star hotel sa may UN avenue.’’
Nag-isip si Benhur.
Puwede niyang abangan ang may-ari ng mining compay sa paglabas nito sa hotel. Madali lang gawin iyon. Pakikiusapan niya.
“Ano ang iniisip mo Benhur?’’
Hindi nagsalita si Benhur.
Magugulat si Bart kapag nalaman ang balak niya. Siguro’y siya pa lamang ang may kakayahang gawin iyon.
(Itutuloy)
- Latest