NAPAPANAHON at makatotohanan ang naging sagot ng nanalong Miss Earth na si Karen Ibasco kaya naman maipagmamalaki talaga siya ng buong Pilipinas. Sa tanong na “Who is the biggest enemy of Mother Earth and why?” ay maliwanag na sinagot ni Karen na ang “pagiging ignorante at kawalang pakialam” natin sa pagmamahal sa kalikasan ang dahilan kung bakit nagdurusa ang buong mundo sa dulot ng climate change na nagreresulta ng mga malalakas na bagyo, pagkatunaw ng yelo, pagtaas ng level ng dagat at sobrang pag-init na hatid nito sa palibot ng mundo.
Ganito rin sana ang maging isipan ng mamamayang Pilipino sa lumalalang problema sa kriminalidad na dulot ng bawal na droga. Kung hindi sana nagbubulag-bulagan at magmamalasakit lamang ang bawat isa sa ating mga kababayan at maging ang mga lider ng iba’t ibang simbahan upang tumulong at ibabala sa mga miyembro nila ang masamang epekto ng bawal na gamot bago pa ito naging public monster, wala sanang mga heinous crimes na tulad ng pagnanakaw at panggagahasa na may pagpatay dahil nawawala na sa wastong isip ang mga kriminal na sabog sa droga.
Ang kapulisan ang lagi na lamang pinagbibintangan ng mga kritiko sa tuwing may napapatay na may kaugnayan sa pagtutulak ng bawal na droga dahil sa programang war on drugs na isinulong ni Pres. Rodrigo Duterte sa pasimula pa lamang ng termino nito, pero may nagsasabi naman na posibleng mga tauhan din ng sindikato ng droga ang pumapatay sa pushers nila na hindi nakakabayad o lumilipat nang bagong mahahanguan ng pambenta nilang shabu at nagiging competitor nila kaya itinutumba sila ng mga ito.
Kung magiging ignorante tayo at hindi makikialam sa mga nangyayari sa ating pamayanan tulad ng sinabi ni Miss Earth Karen Ibasco sa totoong mga nangyayari sa bansa, malamang na mailigaw tayo ng mga propaganda ng mga lisyang kritiko at tuluyan nang magkawatak-watak at mapariwara ang bansa natin.
Mabuting magmalasakit at makialam tayo para sa ating kabataan at para sa katotohanan na malayo sa impluwensiya ng barubal na pulitika at mga puwersang ang intensiyon ay pagwatak-watakin ang mga Pilipino para sa pansarili nilang kapakanan. Pagpalain nawa ng Diyos ang ating bansa!