ISA sa ipinapayo ko sa mga may diabetes ay magbawas ng timbang. Kadalasan kasi ay overweight sila kung hindi man “obese” batay sa measurement ng tinatawag na Body Mass Index (BMI). Mapapansin din na mas maraming taba na nakapalibot sa dakong tiyan ng isang diabetic. Kailangan itong mabawasan upang maging maayos ang maging kontrol ng diabetes.
Bukod sa iniinom na gamot na pampababa ng blood sugar, kasama sa plano ang masusing pagtingin sa ating diet o kinakain. Pati ang regular na pag-eehersisyo ay kasama rin sa pagpapanatili ng magandang blood sugar control.
Nahihirapan ba kayong sundin ang inyong pinaplanong pagpapababa ng timbang? Makatutulong ang sumusunod:
1. Gawin lamang na makatwiran ng mga goals ninyo sa pagpapababa ng timbang. Hindi naman posibleng magbawas ng timbang ng 10 kilo sa loob ng isang linggo.
2. Hindi puwedeng basta na lang mag-i-skip ka ng meals o maglalakad ka ng ilang kilometro para lang mapababa agad ang timbang. Magtakda ng tamang target. Halimbawa, 5 pounds lamang kada linggo; isang exercise program na tig-30 minuto bawat araw.
3. Subukang isulat ang inyong kinakain sa loob ng isang araw sa isang maliit na notebook. Ano ang iyong agahan, tanghalian, hapunan? Ano ang iyong miniryenda? Ilista rin kung gaano karami ang serving size ng bawat kinakain. Ilang tasa o mangkok ng ganitong ulam? Gaano karaming kanin? Ano ang tasang ginamit sa pagtakal ng kanin? Kahit ang takalan na ginagamit ay nag-iiba-iba sa bawat tao. Maaaring ang isang tasa mo ay dalawang tasa na sa iba. Magkakaiba rin kasi ang sukat ng isang tasa.
4. Subukan lamang na gumamit ng maliit na plato sa pagkain. Mas magandang tingnan na puno ang maliit na plato kaysa makitang maraming space sa isang malaking plato.
5. Uminom ng isang basong tubig, mainit man o malamig, tuwing bago kakain. Makatutulong ito para makaramdam agad na full na. Sa gayon, hindi tayo gaanong kakain nang marami.
6. Puwede namang makipagkuwentuhan sa pagitan ng mga pagsubo. Hindi kailangang sunud-sunod ang gawing pagsubo ng pagkain. I-enjoy lamang ang inyong meals.
7. Tikman lamang ang mga panghimagas. Madalas kasi ay matatamis ang mga ito at mayaman sa asukal, gatas, o krema. Sapat nang nalasahan ulit ang inyong nakasanayang desserts. Bakit naman kakain ng kalahating liyanera ng leche flan kung puwede namang namnamin ang isang kutsara lamang nito?
8. Kung gustong kumain ng miryenda, magandang may nakalagay sa ref na sariwang prutas, gulay na hiniwa-hiwa gaya ng carrots, pipino, at singkamas, at gelatin na sugar-free.
9. Hindi kailangang magpakamartir. Puwede pa ring kainin ang inyong paboritong pagkain. Bawasan na nga lamang ang dami nito o ang dalas nang pagkain nito. Yung iba kasi nating kapamilya o kaibigan ay agad nang magsasabi na “o, bawal ‘yan sa iyo!”
10. Ilsta ang iyong nagbabagong timbang at ang inyong blood sugar level sakaling personal kang nagte-test gamit ang mga portable na blood sugar monitoring devices. Dalhin ang mga ito sa iyong doktor kapag nagpa-check ka na ulit. Magagabayan ang iyong doktor ng mga aktibidad at kinakain mo sa araw-araw. Mas makikita niya kung ano ang iyong lifestyle kahit wala siya para saksihan ito.
Binabati ko si Dr. Catherine Jane Lugue Yap-Caylao, ang kanyang husband na si Dr Kennedy Caylao, at mga founder na si Mr Rising Yap (+) at Mrs Catalina Lugue-Yap, buong Yap family, sa pagdaraos nila ng 15th year anniversary ng Apalit Doctors’ Hospital, sa Apalit, Pampanga. Bukod sa ginawa nilang free medical mission at storytelling, nagdaos din sila ng Miss Adh Service Ambassadress kung saan ang mga kandidata ay mga empleyado ng kanilang ospital sa Robinson’s Starmalls, San Fernando City, Pampanga. Magpatuloy nawa ang inyong magandang serbisyo sa mga taga-Apalit.