MARAMING opisyal ng gobyerno ang nasasangkot sa korapsyon. Walang pinipiling posisyon mapa-barangay o kahit pa nakaupo sa Malakanyang ay binabato inaakusahan na may katiwaliang ginagawa.
Pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 43 na nakatoka para imbestigahan ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa korapsyon. Ito ang pagbuo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Nakapaloob sa EO na ito na maaaring disiplinahin o tanggalin sa pwesto ang mga opisyal o empleyadong mga tiwali.
Hindi lang mga opisyal ng gobyerno ang pwede nilang imbestigahan kundi sakop nila ang nasa labas ng executive department tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Isang Chairman at apat na miyembro ang bubuo sa PCAA at dapat ay miyembro sila ng Philippine Bar.
Una nang binanggit ni Presidente Duterte na bubuo siya ng komisyon para imbestigahan ang Ombudsman sa kumakalat na tiwaling ginagawa sa loob nito.
Magandang pakinggan na isinusulong ang pag-iimbestiga sa mga nasa posisyon para masiguro na wala nang korap ang nakaupo sa gobyerno. Sana lang ay maging patas ang mga ito sa pag-iimbestiga at huwag lamang pag-initan ang mga taong nais puntiryahan.
Alam nating ginagawa ng Presidente ang lahat ng kanyang sinasabi at iniisa-isa niya na ito ngayon. Karamihan sa mga nasa posisyon ay inaakusahan na kaya sila yumayaman ay dahil kurakot sila.
Hirap nang magtiwala ang taong bayan sa mga ito kaya malaking bagay kung maiimbestigahan sila nang sa ganun ay maging kampante na din ang lahat ng Pilipinong nagbabayad ng buwis na hindi nasasayang at naibubulsa lamang ang pinaghirapan nilang pera.
Sakop din nito ang AFP at mga pulis kaya siguradong mababawasan na ang mga nasa listahan ng umano’y korap at protektor sa kanilang hanay.
Unti-unti nang gumagawa ang Presidente ng hakbang upang matanggal sa posisyon ang mga taong nasisilaw sa pera at mga bulsa lamang nila ang pinatataba.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.