ANG ina hindi kakayanin na mawalay ng matagal ang kanyang anak sa kanya. Siya ang unang-unang may karapatan para alagaan at makasama ang kanyang anak.
Isang texter na may dulong numero na 6402 at nagpakilala bilang si Emargielyn. Humihingi siya ng tulong tungkol sa kanyang dalawang taong gulang na anak.
Kwento niya hindi niya raw makuha ang kanyang anak sa dating kinakasama. Nakipaghiwalay siya dito sa pananakit nito.
Ang gamit na apelyido ng kanyang anak ay ang apelyido ng kanyang kinakasama ngunit hindi sila kasal.
Tanong niya ano ang maaari niyang gawin para makuha at mabawi ang kanyang anak sa lalaki.
Unang kailangan gawin ni Emargielyn ay magtungo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung nasaang lugar ang kanyang anak.
Kinakailangan niyang makipag-ugnayan siya doon at dapat magdala ng patunay na siya nga ang ina ng bata. Ilan sa pwede niyang dalhin ay ang birth certificate nito at ilang mga litrato na magkasama sila.
Maaari rin silang magpaasiste sa barangay o sa pulis sa nasabing lugar para masigurong may mamamagitan at magiging maayos ang kanilang pagkuha sa bata.
Nakasaad sa ating Family Code na ang bata na pitong taong gulang pababa ay dapat nasa pangangalaga ng kanyang ina. Mas malaki ang habol ni Emargielyn dito lalo pa’t hindi sila kasal.
Kung sakaling itago ng mga ito ang bata ay maaari namang magtungo si Emargielyn sa Public Attorney’s Office (PAO) para maasistehan siya at makapagsampa ng kaukulang kaso.
Sa pananakit na binabanggit niya naman kung sakaling gusto niyang magreklamo tungkol dito ay pwede rin siyang magsampa ng kaso laban sa dating kinakasama.
Magpakita lamang siya ng medical certificate bilang patunay ng mga pinsalang kanyang natamo mula sa pananakit ng kanyang kinakasama.
Kung sakaling may mga blotter na siya sa barangay tungkol sa pannakit na ito ay maaari din niya itong magamit.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.